SISIPA na sa Nobyembre 15 ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa mga piling lugar, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pagdinig ng Senado.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, tatakbo ang limited face-to-face classes sa mga pilot schools na una nang tinukoy ng kagawaran hanggang Disyembre 22. Pagkatapos aniya ng pilot implementation, magsasagawa naman ng assessment ta tatagal hanggang katapusan ng Enero ng susunod na taon.
“We start on November 15, the face-to-face classes and tinaon po natin doon sa pilot schools, tinaon po ‘yan natin sa umpisa ng academic quarter two ng ating school calendar,” ani Malaluan sa pagdinig sa Senado.
Anuman ang magiging resulta ng kanilang pag-aaral, maghahain aniya sila ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magpapasya kung itutuloy-tuloy na ng kanilang ahensya ang planong balik-eskwela ng mga guro at mag-aaral sa iba pang panig ng bansa simula naman sa Marso.
Una nang inaprubahan ni Duterte ang face-to-face classes sa mga lugar na may mababang peligrong dala ang COVID-19.
Sa ilalim ng pilot implementation, pasok ang 100 pampublikong paaralan at 20 pribadong eskwelahan sa hanay ng mga mag-aaral na nasa Grades 1-3.
185 