NAGBIGAY-PUGAY si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga line worker sa pagdiriwang ng National Line Workers Appreciation Day.
Sa mensaheng inihatid ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez, pinasalamatan ni Dy ang mga line worker sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.
“Salamat sa pagpapanatiling bukas ng ilaw sa ating bansa,” ani Dy.
Binigyang-diin ng House Speaker na ang maaasahan at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente ay mahalaga sa imprastruktura, edukasyon, kalusugan, negosyo, at kabuhayan ng mga Pilipino.
“Simply put: energy is critical for a nation to function. Dahil kung walang kuryente, titigil ang mga pabrika. Hihinto ang mga negosyo. Mahihirapang maglingkod ang ating mga ospital. Hindi makakapag-aral nang maayos ang ating mga kabataan. At babagal ang pag-unlad ng ating ekonomiya,” aniya.
Kinilala rin ni Dy ang sakripisyo ng mga line worker na umaakyat sa mga poste at nagsasaayos ng mga linya ng kuryente upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa mga tahanan, paaralan, ospital, at negosyo.
“Kayo ang mga taong bihirang mapansin kapag maayos ang lahat. Ngunit kayo rin ang unang hinahanap kapag nawalan ng kuryente,” ani Dy.
Dagdag pa niya, tuwing may bagyo o kalamidad ay patuloy na nagtatrabaho ang mga line worker upang maibalik agad ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad.
Inilarawan din ni Dy ang kanilang propesyon bilang mapanganib at puno ng sakripisyo, ngunit patuloy pa rin aniyang ginagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin nang may husay at dedikasyon.
Kinilala rin niya ang ambag ng mga energy producer, regulator, electric cooperative, distribution utility, at iba pang kawani ng sektor ng enerhiya.
Tiniyak ni Dy na magpapatuloy ang Kamara sa pagsusulong ng mga patakarang magpapalakas sa sektor ng enerhiya, magpapahusay sa serbisyo publiko, at magpapabuti sa kapakanan ng mga manggagawa.
(TINA MENDOZA)
73 