LISTAHAN NG MGA INIREREKLAMONG RECRUITMENT AGENCIES INILABAS

INILABAS ng Report Bad Agencies, isang social service group ang mahigit sa dalawang daang recruitment agencies na may ibat-ibang mga ­reklamo mula sa kanilang mga aplikante.

Kabilang sa mga ito ay ang 21st Century Manpower Res Inc., A & W International Manpower Services, A.S.H Manpower International Services, Inc.; Adamson (Phil), Inc.; Al Batra Rec’t Agency, Inc.; Al-Habib Int’l Svcs Corp.; Alphabeshi International Svcs, Inc.; Andrews Manp. Corporation, Angelex Allied Agencies; at ­Anglo-European Services, Inc.

Ang sampung (10) mga pribadong ahensiyang nabanggit ay bahagi lamang ng mahigit sa dalawang daang recruitment ­agencies na kasama sa listahan na inilabas ng grupo sa ­kanilang social media account.

Ito raw po ay updated list ng mga inirereklamong recruitment agencies sa Pilipinas.

Ang nilabag ng mga agency na ito ay ang illegal collection of fees na katulad ng documentation, interview, photo o video, processing, placement at training fee.

Bukod dito, marami pang batas mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang nilabag ng mga recuitment agency na ito.

Karamihan din sa mga ahensiyang ito ay nakalabag sa pag-refer sa mga aplikante na mangutang sa lending company o sa medical centers na ipinag­babawal ng POEA.

Ito ang nagiging dahilan kaya lalong nalulubog sa kahirapan ang ating mga overseas Filipino workers (OFW).
Ibig sabihin ay ­panamamantala ito sa mga kawawang OFW.

Kaya hindi na po tayo nagtataka kung bakit hanggang sa ngayon ay marami pa ring kababayan nating OFWs ang tumanda na lang sa pagtatrabaho sa ibayong dagat pero nananatiling naghihikahos pa rin ang kanilang mga buhay.

Bukod sa may mga ­agency na sila dito sa Pilipinas, pagdating pa nila sa kanilang pupuntahang bansa ay may panibagong agency sila dun.

Napagsamantalahan na sila dito ng kanilang mga agency ay muli na naman ­silang mabibiktima ng kanilang agency sa abroad, lalo na sa mga bansa sa Middle East.

Karamihan din sa mga agency sa Middle East ay pinagpapasapasahan ang kawawang OFW.

Kaya dapat sa mga agency na ito sa Pilipinas ay hinihigpitan at hindi ­pinapayagan na makapagsamantala sa mga OFW.

Napakahirap ang sitwasyon na maging OFW dahil kulang na lang, lahat ay kanilang isakripisyo.
Iniwan na nila ang kanilang pamilya para lang makapagtrabaho sa ibang bansa tapos mabibiktima pa sila ng mga mapagsamantalang agency nila.

Dugo at pawis ang ­ipinupuhunan ng mga OFW sa kanilang pagtatrabaho sa abroad.

Buhay rin ang nakataya sa kanilang pagtatrabaho sa ibayong dagat.

Bukod sa kapakanan ng kanilang pamilya ay malaki rin ang ambag nila sa ekonomiya sa bansa.

Kaya naman dapat minamahal at inaalagaan ng gobyerno ang kapakanan ng OFWs.

Hindi rin sila mangangahas na magtrabaho sa ibayong dagat kung mayroon silang pinagkakakitaan dito sa sarili nating bansa.

Kailangan lang nila ng malasakit at suporta mula sa pamahalaan.

Kaya kung matutuloy sana ang panukalang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) ay malaking tulong ito sa kanila.

Ito sana ang ipursige ng ating mga mambabatas na matuloy na ang pagbuo ng DOFW.

Tutal malaki naman ang pakinabang ng gobyerno sa kanila.

Suklian nyo rin ng kabutihan ang kanilang nagagawa.

Para dun sa mga inilabas na mga pangalan na recruitment agencies na i­nirereklamo ay maaari kayong makipag-ugnayan sa PUNA para mailabas ang inyong panig.

Maaari raw pala ma-refund ang sobrang siningil ng mga recruitment agency na ito sa kanilang mga ­aplikante.

Pwede siguro makipag-ugnayan ang mga nabiktima ng mga recruietment agency na ito sa POEA para sa refund at para na rin sa iba pang reklamo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

141

Related posts

Leave a Comment