LIVE-IN PARTNERS PATAY SA SALPUKAN NG MOTOR AT TRUCK

QUEZON – Patay ang live-in partners na magkaangkas sa motorsiklo matapos salpukin ng isang truck tractor head ang kanilang sinasakyan sa Sariaya Bypass Road, Brgy. Pili, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan noong Sabado ng hapon, Enero 24.

Ayon sa Sariaya Police, nangyari ang insidente bandang alas-2:45 ng hapon nang bigla umanong salubungin sa northbound lane ng truck ang kasalubong na motorsiklo.

Kapwa malubhang napinsala ang 46-anyos na driver ng motorsiklo at ang 39-taong gulang na angkas na si Maricar Olidan Asiño.

Pagkaraan ay nakaladkad pa ang mga ito ng truck patungo sa gilid ng kalsada.

Idineklara ng mga awtoridad na wala nang buhay ang dalawang biktima sa lugar ng insidente.

Ikinustodiya ng Sariaya police ang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

17

Related posts

Leave a Comment