SHARIFF AGUAK MAYOR INAMBUS, 2 SUGATAN; 4 SUSPEK PATAY

SA ikatlong pagkakataon muling naligtasan ni Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan ang pagtatangka sa kanyang buhay ng mga kalaban nang muli siyang tambangan nitong Linggo ng umaga sa Poblacion ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Habang dalawang sa security detail nito ang nasugatan sa kasagsagan ng putukan, ayon sa inilabas na pahayag ng kanyang executive assistant na si Anwar Emblaw.

Ayon kay Emblaw, hindi nasaktan ang alkalde dahil kaagad itong nailayo sa lugar ngunit dalawa naman sa kanilang security escort ang tinamaan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Natadtad ng tama ng mga bala ang back-up vehicle ng mayor na isang Toyota pick-up.

Patay rin umano ang apat na suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya at militar. Kinilala ng PNP-BARMM ang mga nasawi na sina Budtong Pendatun, alyas “Rap-Rap”, Teks Pendatun; at alyas na “Puasa.

Makikita sa inilabas na kuha ng CCTV, sakay ng isang puting Suzuki APV minivan ang mga suspek, bumaba ang sakay nito at pinaputukan ang itim na Toyota Land Cruiser na sinasakyan ng alkalde pagsapit sa Barangay Poblacion sa bayan ng Shariff Aguak.

Samantala, matapos ang insidente, kaagad nagsagawa ng hot pursuit operation ng Datu Unsay Municipal Police Station, katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, Maguindanao del Sur Police Provincial Office at 90th Infantry Battalion, Philippine Army, at napatay ang mga suspek sa pananambang.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

(JESSE RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment