LOLA, 3 PANG SALISI TINUTUGIS NG PULISYA

CAVITE – Puntirya ng manhunt operation ng Cavite Police ang isang 64-anyos na lola na miyembro umano ng Salisi gang at pabalik-balik na sa kulungan dahil sa kahalintulad na kaso, at tatlong kasapakat nito matapos salisihan ang dalawang kababaihan sa loob ng shopping mall sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng mga biktimang sina Ansherina Mae Gamores y De Los Santos, call center agent, at Bea Joy Marquez y Pineda, project assistant ng Department of Science and Technology (DOST), ang suspek sa pamamagitan ng Rogues Gallery na si Loreta Lacara y Dizal, alyas “Lina”, 64, at mga kasamahan nito na dalawang babae at isang lalaki.

Modus operandi ng mga suspek, ayon kay Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police Station, na kunwaring magtatanong si Lola Loreta habang ang isang babaeng suspek ay manglilito at ang isa pang babae ang siyang tatrabaho upang masalisihan ang gamit ng mga biktima habang ang kasama nilang lalaki ang magsisilbing look-out.

Ang modus operandi ng mga suspek ay kanilang naisakatuparan sa mga biktima sa loob ng iMart Shopping Center sa Aguinaldo Highway, Brgy. Panapaan 4, Bacoor City dakong alas-3:30 ng hapon kung saan naglalakad ang dalawa matapos na bumili ng unan sa Pillow section sa nasabing shopping center.

Nakuha kay Gamores ang kanyang wallet na naglalaman ng kanyang BPI Debit card habang Land bank debit card naman ang nadale kay Marquez at cash na P500.

Nakilala ng mga biktima ang isa sa suspek sa pamamagitan ng Rogues Gallery, na umano’y pabalik-balik na sa kulungan sa kahalintulad na kaso at kalalaya lamang noong Pebrero 21 ng nakaraang taon. (SIGFRED ADSUARA)

366

Related posts

Leave a Comment