LOLA KRITIKAL SA BUNDOL

INOOBSERBAHAN sa Philippine General Hospital ang kalagayan ng isang 67-anyos na lola makaraang mabundol ng isang pick-up vehicle sa panulukan ng MH Del Pilar St. at Pedro Gil St. sa Ermita, Manila noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si alyas “Lola Dulce”, liaison officer at residente ng Western Bicutan, Taguig City.

Samantala, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries ang suspek na si Mark Jay Nidoy, 40, company driver, ng Pagdaraoan, San Fernando, La Union, nasa kustodiya na ng Manila District Enforcement Unit.

Batay sa ulat na isinumite ni Police Corporal John Patrick Ted Mañaol , kay Police Major Anthony Olgado, hepe ng MDTEU, bandang alas-7:45 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Habang papatawid umano si Lola Dulce siya namang liko galing sa southbound lane ang isang Nissan Navara pick-up na minamaneho ni Nidoy kaya nabundol ang biktima.

Eksaktong paparating sa lugar ang ilang mga tauhan ng MDRRMO na nagsugod sa biktima sa PGH. (RENE CRISOSTOMO)

175

Related posts

Leave a Comment