DPA Ni BERNARD TAGUINOD
UMIIYAK ang China na kesyo sila raw ay binu-bully ng United States (US) dahil kahit anong pagtutol nila ay itinuloy ni US Speaker of the House Nancy Pelosi ang pagbisita sa Taiwan.
Sino ba talaga ang bully?
Alam pala nila ang kahulugan ng bullying na siyang ginawa nila sa ating mga puwersa at kababayan sa West Philippine Sea (WPS) kaya nakararanas ng harassment ang mga Filipino sa loob ng ating sariling teritoryo.
Walang ipinagkaiba ang reaksyon ng China sa pagdalaw ni Pelosi sa Taiwan, sa mga batang bully na naisahan ng kanilang mga kalaro kaya nambabato ng bahay ng kapwa bata na nakaisa at hindi nagpa-bully sa kanila.
Mantakin mo, nagsagawa ng live-ammunition drill sa paligid ng Taiwan matapos suwayin ng Amerika ang kanilang pagtutol sa pagdalaw ni Pelosi… bullying a bully ang arrived.
Parang mga batang spoiled brat na nagwawala dahil hindi naibigay ang kanilang gusto. Hindi matanggap na may gumawa sa kanilang gawain na mang-agaw ng teritoryo at kapag binawi ang inagaw na teritoryo ay nagbabanta at nambu-bully.
Kapag nagsalita ang mga spokesman ng China ay akala mo sila ang makapangyarihang bansa sa buong mundo at ang gusto lang nila ang siyang dapat masunod.
Para bang sinasabi nila na malakas kami, malaki kami at ang lahat ng ginagawa namin ay tama kaya lahat kayo ay sumunod sa amin at huwag kontrahin ang sinasabi namin dahil meron kayong paglalagyan!
Ginagawa ng China sa ibang mga lahi ang gawain nila sa kanilang sariling mamamayan na lahat ng kokontra sa kanila ay iseselda at lunukin na lang ang komunistang pamamalakad sa ayaw at sa gusto ng kanilang mamamayan. Hindi puwede ‘yan.
Akala siguro ng China ay puwede na nilang gawin ang lahat ng gusto nila sa mga bansa na pinapautang nila. Hindi puwede ‘yun dahil ang Japan na siyang matagal nang tumutulong sa atin sa larangan ng ekonomiya at imprastraktura ay hindi tayo binu-bully.
Tayong mga Pinoy ay dapat magkaisa para mabawi ang teritoryong inangkin na ng China at para tayo ang makinabang sa mga yaman sa mga reef na kanilang sinakop, at hindi ang mga Chinese.
Hindi naman giyera lang ang sagot para mabawi natin ang mga teritoryong ito at maging malaya ang puwersa natin at mga mangingisda sa paglalayag sa ating territorial water. Maraming paraan lalo na sa panahong ito.
At dapat din nating bantayan ang galaw ng China sa Taiwan dahil merong tayong 160,000 kababayan na nagtatrabaho sa bansang ito na posibleng maipit kapag hindi matanggap ni Xi Jinping na napahiya siya.
Higit sa lahat, baka kapag nakontrol na ng China nang tuluyan ang Taiwan, mas lalala ang pambu-bully sa atin dahil lalo na silang didikit sa ating kapatagan. Bully ‘yan si Xi Jinping eh!
166 