PATULOY ang pagdating ng mga tinatawag na locally-stranded individual (LSI) sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Karamihan sa mga LSI ay patuloy na naghihintay ng kanilang mga biyahe sa ilalim ng Hatid Tulong program ng gobyerno.
Mayroon pang hinimatay na lalaki dahil sa matinding siksikan.
Agad siyang dinala sa Ospital ng Maynila. Dinala rin ang isang sanggol sa ospital nang lagnatin.
May mga LSI din na nasa labas ng stadium na natulog.
Walang crowd estimate sa bilang ng tao pero sinabi ng Department of the Interior and Local Government na 8,000 LSI ang target nilang maiuwi sa ikalawang batch ng Hatid Tulong program.
Marami-rami na rin ang naiuwi sa probinsya pero marami pa rin ang nanatili sa Metro Manila.
Karamihan sa kanila ay umuwi sa Caraga, Northern Mindanao, Davao Region at Soccsksargen.
Mayroon din na mga bumiyahe papuntang Samar, Leyte, Bacolod, Iloilo, Palawan, Mindoro, at Bicol region.
Naglaan ang pamahalaan ng 120 bus at 5 barko para maghatid ng mga LSI sa iba’t ibang probinsiya nang libre. Gagamitin din ang tren ng Philippine National Railways. (CATHERINE CUETO)
