LTFRB, DOTr doble kayod na HEIGHTENED ALERT PARA SA SEMANA SANTA

SIMULA kahapon, Biyernes (April 8), inilagay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa  heightened alert ang kanilang mga tauhan  hanggang Abril 18, 2022.

Kaugnay ito sa Oplan Biyaheng Ayos: Summer Vacation 2022 ng Department of Transportation – Philippines (DOTr).

Maging ang PNP ay nagsimula na rin ng kanilang “Ligtas SumVac (Summer Vacation) 2022.”

Bahagi ito ng new normal ngayong panahon ng tag-init kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga turista.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Alba, inilabas ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang operational guidelines para matiyak na masusunod ang minimum public health standards at ang kapayapaan at kaayusan lalo na sa tourist destinations o mga simbahan.

Inatasan din ang mga yunit at istasyon ng pulisya na makipag-ugnayan sa community-based volunteers at force multipliers sa mga dinarayong tourist destination.

Inaasahan ni PNP chief Carlos ang mas malaking bilang ng mga tao na uuwi sa mga probinsiya matapos ang dalawang taong quarantine restrictions sa bansa.

Bilang suporta naman sa direktiba ni Transportation Secretary Art Tugade, inatasan ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang lahat ng pinuno ng ahensya sa pangunguna ni Executive Director Kristina Cassion, mga hepe ng Central Office at Regional Directors sa buong bansa, na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Sa Metro Manila, ang mga terminal na maaaring puntahan ng pampublikong mananakay:

1. PITX (1 Kennedy Road, Tambo, Parañaque City)
2. SRIT (SM City Sta. Rosa, Sta. Rosa, Laguna)
3. NLET (Philippine Arena Compound, Bocaue, Bulacan)
4. Araneta Center Terminal (Times Square Ave., Cubao, Quezon City)

Maaari namang gamitin ang private terminals ng bus operators simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, alinsunod sa bagong “Window Scheme” na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bilang paghahanda sa Semana Santa, magsasagawa ang LTFRB ng random inspection sa mga bus upang masiguro ang road worthiness ng mga sasakyan at kaligtasan ng mga pasahero.
Magtatalaga rin ng mga Malasakit Help Desk kung saan maaaring magtanong o magsumbong ang mga commuter. (JESSE KABEL)

170

Related posts

Leave a Comment