NAHAHARAP sa kasong paglabag sa RA 1132 (Law on Reporting of Communicable Diseases) ang isang KTV manager, habang ang limang iba pa ay sinampahan ng kasong paglabag sa Pasay City Ordinance 6129 makaraang mahuling nag-o-operate ng bar sa Pasay City noong Linggo ng madaling araw
Ang anim katao ay inisyuhan ng City Ordinance Violation Receipt (COVR) dahil sa paglabag sa social distancing at curfew sa ilalim ng Pasay City Ordinance No. 6129, kabilang ang floor manager ng GLX “Galaxy KTV Bar” sa Hobbies of Asia, Macapagal Boulevard, Pasay City na si Michael Relampago na sasampahan din ng hiwalay na kasong paglabag sa RA 1132 sa piskalya ng Pasay City.
Kinilala ni Pasay City Chief of Police P/Col. Cezar ang iba pang mga suspek na sina Elren Pusing, waitress; Mark Anthony Cerbito, waiter; isang nagngangalang Caalim, waiter; Jerry Quartero Jr., waiter, at Arjay Glen Rebulas.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsagawa ang mga tauhan ng Station Intelligence Section ng Pasay CPS, sa pangunguna ni P/Maj. Jerry Sunga, ng police operation laban sa Galaxy Bar dakong 2:30 ng madaling araw noong Linggo makaraang makatanggap ng impormasyon na patuloy na nag-o-operate ang bar sa kabila ng COVID-19 pandemic na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. (DAVE MEDINA)
170 