ISINAILALIM ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang buong Luzon sa state of calamity dahil sa serye ng bagyo na tumama sa bansa.
Itinuturing na ang pinakahuling bagyo na si ‘Ulysses’ ang nagsilbing gatilyo ng malalang pagbaha sa bansa sa mga nakalipas na taon na nag-iwan ng maraming patay.
Ang state of calamity ay naglalayong payagan ang local officials na gamitin ang kanilang emergency funds at magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
“Last night I think I signed the proclamation,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang public address, Martes ng gabi.
Ginawa ng chief exevutive ang deklarasyon matapos lumipad patungo sa Cagayan Valley region, kung saan ang weather disturbances at ang malaking pagpapakawala ng tubig mula sa Dam ay pinaniniwalaang nakaapekto sa libong pamilya roon.
May ilan pang nananatili sa kanilang bubungan para makatakas sa 2-story high floods.
Nauna rito, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong Luzon.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, nagsagawa sila ng emergency meeting at pinag-usapan ang rekomendasyong state of calamity sa Luzon.
Napag-usapan din aniya na mag-convene ang Technical Working Group para sa gagawing joint prevention, mitigation at paghahanda ng mga clusters ng NDRRMC para i-assess ang sitwasyon ng mga dam.
PRICE CONTROL
Kaugnay nito, ipinatutupad na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price control sa lahat ng mga pangunahing bilihin sa buong Luzon kasunod ng pagsasailalim dito sa state of calamity ni Pangulong Duterte.
Binigyang-diin ni DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo na iiral sa buong Luzon ang “price freeze”.
Gayundin, nasasaklaw ng batas ang pagtatalaga ng price cap o price ceiling sa mga pangunahing produkto at bilihin kung makikitang sobra sa laki at maikukonsiderang hindi na makatwiran ang presyo.
Kabilang sa mga pangunahing produkto ang bigas, mais, tinapay, mga pinatuyo o nakadelatang isda at iba pang laman-dagat, karne ng baka, manok at baboy, itlog, processed milk, infant formula, sariwang mga gulay, mga root crop gaya ng mani, kamoteng kahoy, at kape, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, panggatong, uling, kandila at iba pang produktong idedeklara ng DTI. (CHRISTIAN DALE/DAVE MEDINA)
195
