LUZVIMIN AGENCY TINATAWAGAN NG PANSIN

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG panibagong kaso ng paglabag sa karapatan ng overseas Filipino worker (OFW) ang muling inilapit sa OFW Juan ng Saksi Ngayon.

Humihingi ng agarang tulong si OFW Norsida Apijal Edris, 32-taong gulang, isang domestic helper na kasalukuyang nasa Tabuk, Saudi Arabia.

Si OFW Norsida ay kasalukuyang nagtrabaho sa Saudi Arabia simula pa noong Hulyo 18, 2024 sa ilalim ng lokal na ahensiyang Luzvimin Agency at foreign agency na NOKHBT Agency. Ang kanyang employer ay kinilalang si Manal Hameed Khidhran, residente rin ng Tabuk.

Sa kanyang salaysay, inilahad ni OFW Norsida ang sinapit na umano’y matinding pang-aabuso at pambubugbog mula sa kanyang mga alaga na mga anak ng kanyang amo.

Ayon sa kanya, pinalayas siya sa bahay ng employer ng dalawang beses, at iniwang walang makain at mainom sa loob ng apat na araw. Dahil sa takot at pangamba sa kanyang kaligtasan, napilitan siyang bumalik sa ahensya upang humingi ng tulong.

Ngunit sa halip na tulungan, ayon kay Norsida, kinuha umano ng ahensya ang kanyang cellphone at pera na nagkakahalaga ng 1,500 Saudi Riyals, na sinabing gagamitin daw bilang pambili ng kanyang sariling tiket pauwi ng Pilipinas.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa rin umanong malinaw na update kung kailan siya mare-repatriate at hindi pa rin naibabalik ang kanyang cellphone at pera, dahilan upang lalo siyang mawalan ng kakayahang makipag-ugnayan sa kanyang pamilya at humingi ng agarang saklolo.

“Gusto ko na po talagang umuwi ng Pilipinas. Natatakot na po ako at wala na po akong mapagkukunan dito. Sana po ay matulungan ninyo ako,” emosyonal na pahayag ni Norsida.

Ang kasong ito ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay sa kalagayan ng mga OFW, lalo na sa mga domestic helper na kadalasang nagiging biktima ng pang-aabuso at pagsasamantala.

Patuloy ang panawagan ng OFW Juan na agarang imbestigahan ang insidente at tiyakin ang ligtas at mabilis na repatriation ni Norsida, gayundin ay ang panagutin ang sinomang napatunayang lumabag sa kanyang karapatan.

Sa ngayon, umaasa si Norsida na ang kanyang panawagan ay maririnig at magkakaroon ng konkretong aksyon upang siya ay makauwi na sa Pilipinas at muling makapiling ang kanyang pamilya nang ligtas.

71

Related posts

Leave a Comment