IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat baguhin ng pamahalaan ang pagtugon sa krisis mula sa pagiging reactive tungo sa mas maagap at planadong aksyon.
Sa isang Facebook livestream, sinabi ni Cayetano na hindi dapat naghihintay ang gobyerno na lumala ang sitwasyon bago kumilos, at mas epektibo ang pamamahala kung maaga pa lamang ay natutukoy na ang mga posibleng panganib.
Iminungkahi rin niya ang pagkakaroon ng hiwalay na crisis committee na tututok sa contingency planning at agarang pagtugon habang nagpapatuloy ang regular na pamamahala.
Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagrepaso sa mga nakaraang pagkakamali upang maiwasan ang pag-uulit ng mga ito.
Aniya, kung hindi matututo ang pamahalaan, maaaring lumala pa ang mga problema, lalo na kung mali ang datos na ginagamit sa pagdedesisyon.
Dagdag pa niya, dapat nakaayon sa sitwasyon ng bawat lugar ang mga plano sa krisis at hindi “one size fits all” ang approach.
Bagama’t nakikita niyang may pagbuti sa pagtugon ng gobyerno, sinabi niyang inaasahan pa rin ng publiko ang mas maayos at sistematikong paghahanda.
Hinimok din ni Cayetano ang publiko na makibahagi sa paghahanda at pagpaplano upang mapabilis at maging epektibo ang pagtugon sa mga sakuna.
79 