MABIGAT ANG TRABAHO NI GABRIEL GO NG MMDA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SA mga nakaupo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayon, ang pinakamahirap ang trabaho ay si Gabriel Go, ang pinuno ng Special Operations Group – Strike Force.

Dahil personal nitong pinamumunuan ang mga operasyon ng ahensya laban sa illegal parking at obstruction sa National Capital Region o NCR.

Ilang beses nang nakabangga ng mga taong gobyerno si Go sa trabaho nito at sa mga pinakabagong post niya sa kanyang FB profile, makikitang ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay ang mga pasaway.

Sa clearing operation na isinagawa ng MMDA sa daraanan ng Traslacion sa lungsod ng Maynila nito lang nakaraang linggo, nakasagutan ni Go ang isang Ex-O daw ng barangay dahil nagmamaneho ito ng motorsiklo nang walang helmet at natiketan na rin ito sa kapareho ring violation bago nasita.

Nakialam pa sa usapan ang isang nagpakilalang bayaw raw ng Ex-O at nangatwiran pa na ang pagkakaalam daw niya ay sa highway lang kailangan magsuot ng helmet. Nagtayo rin ng tirahan sa bangketa ang naturang tanod dahil may basbas daw ito ng kanilang chairman.

Sa isa pang post ni Go, nakasagutan naman nito ang kapitan mismo ng barangay sa kahabaan ng kalye riyan sa may Port Area. Nadaanan kasi ng kanilang grupo na nagsasagawa ng clearing operation sa naturang lugar, ang ambulansya ng barangay na nakabalandra sa kalye.

Ang palusot ni Kapitan ay may ihahatid daw sa Pangasinan ang kanilang ambulansya kaya nakaparada roon. Pero ang nakatatawa sa naturang upload ay nang sinabihan ni Go si Kapitan na mas inuna pang alisin ng tanod nito ang tricycle nito na nakabalandra rin sa kalye na katabi ng ambulansya.

Isa pang upload na magpapatunay na ang mga opisyales ng barangay ang sanhi ng problema ng trapik at obstruction sa isang lugar, ay nang mag-operate ang grupo ni Go isang lugar sa Quezon City.

Nalaman nito sa mga residente na ang barangay daw nila ang pumayag na magkaroon ng one-side parking sa kanilang lugar kahit pa wala namang ordinansa ukol dito.

Sadyang mahirap ang trabaho ni Gabriel Go ng SOG lalo na’t ang dapat na kaagapay nito sa paglilinis ng kalye at pagpapatupad ng batas ay siya pang mga promotor.

4

Related posts

Leave a Comment