‘Mabuti kaysa wala!’

ITO ang agad naging reaksiyon nina Pilipina Olympic qualifier sa boksing na si Irish Magno at ng magtatangka pang ­makarating sa 2021 Olympic Games na si Nesthy Petecio sa plano ng Association of ­Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at Sports Commission na bigyan sila, sa wakas, ng pakakataong makapaghanda simula sa Sabado.

Ang dalawa, na tulad ng kanilang mga kasama sa pambansang koponan na kinabibilangan din ni Eumir Marcial, ay di pa nakararanas makapag-ensayo ng seryoso mula noong ­Asia-Oceania Olympic Qualifier noong Marso nang nakalipas na taon.

Subalit di gaya ng middleweight na si Marcial na dalawang buwan nang naghahanda sa ilalim ni Hall of Fame trainer Freddie Roach at kanyang training team sa Wild Card Gym sa Los Angeles, si Magno na isang flyweight, at Petecio na kampeon sa ­featherweight sa world amateur, ay ni hindi pa nakatutuntong ng ring mula noong qualifier na ginanap sa Amman, Jordan.

Kaya ang makapaghanda sa ilalim ng bubbe training camp na balak idaos ng PSC sa Inspire Sports Adademy sa Calamba, Laguna ay natural na maging pinakamagandang musikang ­narinig ng dalawa mula nang magkaron ng COVID-19 pandemic.

“Masaya na rin kami kasi at least makakapag-en sayo na, ‘di gaya noong nakaraang halos 10 buwan na puro online training lang,” ani Petecio.

Bagamat may agam-agam din ang dalawa sa dahilang ang susunod na qualifier ay sa Hunyo na o anim na buwan na lamang mula ngayon.

Ang Tokyo Olympics na dapat sana’y nairaos noong Hulyo ng nakaraang taon pa ay nausad sa Hulyo rin ngayong taon, o mahigit kumulang isang buwan matapos ang qualifier na gaganapin sa Paris, France.

“Napakaigsi na ng panahon para makapaghanda,” panangis ni Petecio sa kolumnistang ito. “Kapos na sa oras at kinakailangan nang ibuhos ng triple ang ensayo to make up for lost time.”

“Kailangan na talaga ang ibayong sakripisyo. Para sa bayan ito!” dagdag ni Petecio na naka-base sa Davao, at para makapaghanda ay kinailangang umupa ng isang apartment sa Digos, Davao del Sur at umupa ng gym gamit ang sariling pera.

Ganito rin halos ang nasabi ni Magno, tubong Janiuay, Iloilo at kaunaunahang babaeng ­boksingerong Pilipino na magkakaroon ng pagkakataong makapag-compete sa Olympics.

Sa kabila nito, nangako ang dalawa na gagawin nila ang lahat ng makakaya para maka-ahon sa hukay na kinasusuungan nila.

Hindi ito kasalanan nina Magno at Petecio at ng iba pang Pilipinong boksingerong layong makapasok sa Olimpiyada.

Ang may malaking pagkakasala dito ay ang salot na COVID-19, na mula noong Marso ay pinaralisa na ang sports sa buong daigdig, at ang kakulangan ng kaalaman ng mga kinauukulang opisyal sa sports na bigyan ng solusyon ang problema.

Kalat nga sa buong daigdig ng palakasan ang problema, ngunit ang ipinagtataka ng ­marami ay bakit ang ibang bansa ay ­madaling nasolusyunan ang ­problema ng kanilang mga atleta.

“Ang mga kalaban nga namin gaya ng mga Koreano, Indiyano, Thai at lalo ang mga Eurpeo, to mention a few, pinag-ensayo ang kanilang mga atleta kahit na noong kainitan pa ng virus,” bulalas muli ni Petecio.

Bukod sa kakulangan ng ­kaalaman, kulang din sa puso ang liderato ng sports dito sa bansa, bintang ng marami pang atleta sa ibang sports na apektadoo rin ng problema.

Ang sport na boksing, pagtutuwid ni women’s head coach Boy Velasco, ay isang uri ng sports na kailangan ang 100 porsiyentong kondisyon pagdating ng kompetisyon. “Ang boksing kasi ay napaka-pisikal na laro.”

“Unlike in the pro-rank, amateur boxing in international competitions runs from only a week or a little more than that. At depende sa bilang ng kalahok, ang isang boksingero needs to fight daily.

Kung bugbugan agad ang laban mula sa unang tunog ng bell sa intensyong mapatulog ang kalaban at makapagpahinga para sa susunod na laban sa susunod na araw,” paliwanag ng head coach ng national team.

“So, talagang paspasan ang laban at manalo ka man, tiyak na ubos ka pagtunog ng huling kampana. At ang 24 oras na pahinga in between fights ay hindi sapat. Iyan ang hindi naiintindihan, palagay ko, ng ating mga opisyales,” dagdag komentaryo niya.

“Hindi lahat ng sitwasyon ay pare-pareho sa bawat sports, malaki ang pagkakaiba ng boksing at iba pang martial arts events sa ibang sports,” giit pa ni Velasco.

136

Related posts

Leave a Comment