Umepal sa Dacera pero tahimik sa ‘maliit’ na biktima – netizens PACQUIAO, YAP SAWSAW PA MORE

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

INULAN ng batikos sa social media partikular sa Twitter sina Senador Manny Pacquiao at ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap kaugnay ng pag-epal umano nila sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera.

Lalong binatikos ang dalawa nang kapwa sila mag-alok ng pabuya para sa mga suspek sa sinasabing rape-slay case.

Puna ng mga netizen, bakit sa pamilya ng mag-inang Sonia at Frank Gregorio ay hindi lumutang ang dalawang mambabatas at nag-alok ng tulong pinansyal. Gayundin sa construction worker na napatay rin ng pulis sa Sta. Rita, Pampanga matapos itong mapagkamalang holdaper.

Matatandaang binaril at napatay ang mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac matapos makipagtalo sa isa ring pulis.

Pahayag ng Twitter user na si @Alexia40215066 : “Mahirap talaga kapag may politicians na umeepal. Imbes na makatulong, lalong nagugulo ang sitwasyon. Bakit maglalagay ng bounty kung nakikipag-cooperate naman sila at di nagtatago?”

“Mga epal Manny and Yap, you are putting danger to their lives kasama na buhay ng pamilya nila???? Di pa [sila] guilty di ba???? Dapat kayo ang may bounty sa ulo kasi sakit kayo ng ulo ng bansa!” tweet naman ng Twitter user na si @Alvinmoleramar1

“A mother not ready for the passing of her child will look for anyone to blame for it even if there should be none.

And the PNP is feeding on it; now Yap and Pacquiao are too.” Komento ni @iJosephArsenio.

@Luissers02: “Eric Yap and Manny Pacquiao being the opportunist they are… disgusting.”

@MightyPen7: ” Let’s remind Pacquiao at Yap na hindi mukhang PERA si Lady Justice!”

“Mga sawsawero kasi. Kala nyo makakatulong sa election yan.” Reaksyon ni @nihilistweirdo.

Nitong Biyernes, sinabi ni Yap na binabawi na nito ang P100,000 na pabuyang inilaan nito matapos magpakita na sa publiko ang mga person of interest sa pagkamatay ni Dacera.

“We suppose that there is no need to recall per se the bounty placed on the persons of interest in the death of Christine Dacera. In principle, the bounty is now considered as moot and now off the table as they have already voluntarily presented themselves and now cooperating in the investigation,” ani Yap.

Samantala, nagmatigas at hindi binawi ni Pacquiao ang pabuyang kalahating milyon sa sinomang makahuhuli sa natitira pang suspek taliwas sa kahilingan ng abogado ng mga nakipag-cooperate na persons of interest.

“Muli akong nakikiusap sa iba pang mga nasasangkot sa kaso ng pagkamatay ng aking kababayang si Christine Dacera na kusang iharap ang kanilang sarili sa Philippine National Police (PNP) o alinman sa ating mga law enforcement agency na gaya ng National Bureau of Investigation (NBI),” ayon kay Pacquiao.

Dahil dito, sinabi ni Pacquiao na nananatili ang itinakdang pabuya na nagkakahalagang P500,000 upang matunton ang iba pang sangkot sa kaso.

198

Related posts

Leave a Comment