MAG-ASAWANG STORE OWNER PINATAY NG KAPITBAHAY

QUEZON – Pinaghahanap ng pulisya ang isang binatang pumaslang sa mag-asawang may-ari ng isang tindahan sa Barangay Buenavista West sa bayan ng Candelaria sa lalawigan noong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay PLt. Col. Al Loren Bigay, hepe ng Candelaria Police, bukod sa robbery, away sa pagkakautang ng 23-taong gulang na suspek na kinilalang si Victor Panes Dinamitas, sa tindahan ang mag-asawa ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Ayon sa report, bandang alas-4:45 ng umaga ng mangyari ang insidente nang magbukas ng tindahan ang 59-anyos na lalaking biktima na si Bandino Espiritu, habang nag-aabang na pala ang suspek.

Agad na inatake ng suspek ang biktima at pinagsasaksak.

Matapos bumagsak ang lalaki, pumasok ang suspek sa tindahan at pinagpapalo naman ng bakal na tubo ang 58-anyos na ginang.

Kapwa agad namatay ang mag-asawa, habang tumakas ang suspek na sumakay muna ng tricycle patungo sa highway bago sumakay ng bus patungo sa direksyon ng Lucena City.

Ayon pa sa pulisya, nasa tatlong linggo pa lamang nakikituloy ang biktima sa kanyang kapatid sa Barangay Buenavista West matapos na magkaroon ito ng kaso sa kanyang tirahan sa Barangay Banaba, Padre Garcia, Batangas.

Patuloy pa ang isinasagawang manhunt operation ng mga pulis sa tumakas na suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment