TARGET NI KA REX CAYANONG
KASALUKUYANG naka-vacation leave si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco.
Nangyari ito matapos sumablay ang ad agency sa tourism campaign video ng ahensya.
Mula sa DOT, nabaling naman ngayon ang atensyon ng publiko sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang PAGCOR ay isang 100 percent government-owned and controlled corporation (GOCC) na nasa ilalim ng Office of the President (OP).
Sinisilipan naman ngayon ang gaming firm dahil daw sa binayarang P3 milyon para sa paggawa ng bagong logo ng ahensya at pinararatangang kahawig din ng logo ng isang oil company.
Sa kabila ng inaabot na batikos mula sa publiko, may mga nagtatanggol naman sa PAGCOR tulad ni Albay Rep. Joey Salceda na nagsabing mas magandang tingnan ang performance ngayon ng ahensya kaysa punahin ang bago nitong logo.
Hindi naman daw siya eksperto pagdating sa creatives. Kaya naman, kung matitiyak na ‘above board’ at tumatalima o ‘compliant’ ito sa procurement process ay walang problema.
Ayon kay Salceda, nais niyang purihin ang impresibong performance ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco.
Well, kung titingnan nga namang maigi, aba’y tumaas ang quarter 1 income ng ahensya ngayong 2023 ng 50.59%.
Bunga nito, inaasahan daw na maaabot ng PAGCOR ang gross gaming revenue ng government corporation na P224.8 bilyon.
Samantala, magandang balita para sa mga tagasuporta ng ACT-CIS Party-list at kay Rep. Erwin Tulfo ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) En Banc na tuluyang nagbabasura sa motion for reconsideration na inihain kaugnay ng disqualification case laban sa mambabatas.
Sumampa sa En Banc ang kaso makaraang ibasura ng ikalawang dibisyon ang usapin.
Para naman kay Tufo, dating mamamahayag, ‘answered prayer’ ang naging desisyon ng poll body.
Sa totoo lang, hindi lang ito panalo ng ACT-CIS kundi maging ng mga bumoto sa party-list na naging dahilan para makaupong muli ito sa Kongreso.
Kung maaalala kasi, noong Mayo 30 pa nanumpa sa puwesto si Tulfo pero hindi naman ito agad pinahintulutang makibahagi sa mga sesyon dulot ng nasabing disqualification case.
Mabuhay po kayo, bossing, at God bless!
240 