MAGHIHIWALAY NA KAYA ANG MGA MARCOS AT DUTERTE DAHIL SA AFGHAN REFUGEES?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAGKAIBA ang gusto nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at ni Vice President Inday Sara Duterte sa usapin ng Afghan refugees na nais papasukin ng United States gov’t sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa programang “Gikan sa Masa para sa Masa” ni Pastor Apollo Quiboloy kamakailan.

Ayon kay Duterte, matibay ang paninindigan ng kanyang anak (Inday Sara) na hindi papasukin ang Afghan refugees sa Pilipinas.

Pero kung ipagpipilitan ng administrasyon ni PBBM na papasukin ang mga dayuhang ito baka dito na magsimula ang gusot nila ni Inday Sara.

Nauna nang sinabi ni Digong na mahigpit niyang tinututulan ang kagustuhan ng BBM admin na magpapasok ng 50,000 Afghan refugees sa bansa.

Ayaw kasi ni dating Pangulong Duterte na mapasukan ang bansa ng mga terorista mula sa Afghanistan dahil ang bansang ito ay kilala na pinamumugaran ng mga tauhan ni Osama Bin Laden.

Dahil dito, gusto ni Inday Sara na makasiguro na walang makapapasok na mga terorista sa Pilipinas na maaaring humalo sa Afghan refugees.

Napikon din si dating Pangulong Duterte na tila dinidiktahan ng Amerika ang Pilipinas sa pagsasabing tumanggap tayo ng Afghan refugees.

Hindi naman sarado ang pag-iisip ni dating Pangulong Duterte na ‘wag nang tumanggap ng refugees mula sa ibang bansa dahil bahagi ang Pilipinas ng United Nations basta siguradong hindi malalagay sa panganib ang seguridad ng bansa.

Matatandaan, ilang dekada na ang nakararaan, ay nagkaroon ng Israeli refugees na inilagay pa sa aming lalawigan sa Guiuan, Eastern Samar subalit naging maayos naman at wala namang problemang naidulot nito.

Naging biktima kasi ang mga Hudyo ng pagmamalupit mula sa kamay ni Adolf Hitler ng mga panahon na ‘yun at bilang Kristiyano, ang Pilipinas ay tinanggap ang Israeli refugees.

Kung hindi tayo nagkakamali, maging ang Vietnamese refugees ay tinanggap din ng Pilipinas matapos na magkaroon ng kaguluhan sa kanilang bansa, ilang taon na ang nakalilipas.

Makalipas ang ilang dekada hanggang sa kasalukuyan ay sa Pilipinas na nanirahan ang ilan sa Vietnamese refugees na nagustuhan nang dito manatili.

Subalit sa sitwasyon ngayon sa usapin ng Afghan refugees ay mahigpit itong tinututulan ng mag-amang Digong at Inday Sara.

Maging ang inyong lingkod ay sang-ayon tayo sa pagtutol ng mag-amang Digong at Inday Sara na tumanggap ng Afghan refugees dahil sa pangambang mapasukan tayo ng mga terorista.

Kilala kasi ang Afghanistan na pugad ng mga terorista na walang sinasanto, maging bata man o matanda ay kanilang nililikida basta ayaw nila.

Ayaw nang maulit ni dating Pangulong Duterte at Inday Sara ang sinapit ng Marawi City sa panggugulo ng mga terorista, ilang taon na ang nakalilipas.

May problema na nga tayo sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nasasangkot sa illegal drugs, mapapasukan pa tayo ng isa na namang problema at sa mga terorista na naman, baka tuluyan nang mahulog sa kasamaan ang buong sambayanan, ‘wag naman sana.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

183

Related posts

Leave a Comment