FORWARD NEGOSYO NI CONG. FIDEL NOGRALES UMARANGKADA

BUKOD sa pagkakaloob ng pangkabuhayan ni Cong. Fidel Nograles sa mga residente ng ika-4 distrito ng Rizal (Montalban), ay sumabak din siya sa pagluluto ng hotdog sa isang food cart na kanyang ipinamimigay.

UMARANGKADA na ang first batch ng programang pangkabuhayan (Forward Negosyo) ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles para sa kanyang constituents sa Montalban sa nasabing lalawigan kamakailan.

Katuwang ni Cong. Nograles ang Department of Labor and Employment (DOLE) na namahagi ng food carts na may kasamang sari-saring kasangkapan, rekados, at kagamitang panluto tulad ng kawali, kalan, sandok, tong, screener, at LPG.

Kasabay nito, nagbigay rin si Nograles ng mga hilaw na karne tulad ng kikiam, hotdog, fishball, burger, at tinapay.

Sa kabila ng kawalan ng kabuhayan at trabaho, sinisikap ni Nograles na magbigay ng tulong pangkabuhayan o puhunan pang-negosyo upang makabangon sa kahirapan ang ating mga kababayan.

“Katuwang po ninyo ang inyong lingkod upang pagyamanin at palaguin ang maliliit na negosyo sa ating bayan,” ani Cong. Nograles.

Bukod sa pangkabuhayan ay patuloy rin ang pagsisikap ni Nograles na mabigyan ng trabaho ang kanyang nasasakupang mga residente ng ika-4 na distrito ng Rizal sa pamamagitan ng TUPAD, na katuwang din niya ang DOLE.

Ang TUPAD ay sa pamamagitan naman ng trabaho sa paglilinis sa kapaligiran, ilog, creek at iba pa para mawala ang mga pagbara ng tubig-baha sa panahon ng tag-ulan.

Patuloy rin si Cong. Nograles sa kanyang mga proyektong pagsasaayos sa mga daan at mga gusali sa Montalban, katuwang niya naman ang ilang engineers at tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dahil dito, pinuri naman si Cong. Nograles sa kanyang mga ginagawa, “Napakasipag po ng ating Cong. Atty. Fidel Nograles, sir, sana po ipagpatuloy n’yo ang pagtulong sa aming mahihirap,” ani Kate C. Ronquillo.

(JOEL O. AMONGO)

305

Related posts

Leave a Comment