MAGKAPATID NA DARGANI HINDI NA MATAGPUAN

BIGO ang Senate security officers na maaresto sina Pharmally Pharmaceutical Corporation officials Mohit Dargani at kapatid na si Twinkle sa kanilang tatlong condominium units sa Greenhills, San Juan City at Bonifacio Global City sa Taguig.

Una nang ipinag-utos ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senador Richard Gordon ang pag-aresto sa dalawa makaraang i-cite for contempt sa pagtanggi na isumite ang mga hinihinging dokumento hinggil sa kontrobersyal na deal ng korporasyon sa gobyerno.

Sinabi ni Retired General Rene Samonte, Senate sergeant-at-arms, na pinuntahan ng kanilang mga tauhan ang tatlong address ng magkapatid subalit hindi nila ito nakita.

Ipinaliwanag ni Samonte na ang mga unit na isinumite ng dalawa ay pawang naka-lock at walang senyales ng kanilang presensya.

Sa ika-12 pagdinig ng komite, iginiit ni Mohit Dargani na hindi nila isusumite ang mga dokumento batay na rin sa payo ng kanilang legal counsel.

Sa naunang hearings, sinabi ni Twinkle Dargani na hindi nila isusumite ang financial documents dahil protektado sila ng Bank Secrecy Law, Data Privacy Law at Corporation Code. (DANG SAMSON-GARCIA)

452

Related posts

Leave a Comment