CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TOTOO nga ba ang malapit sa kalan ang unang nauulingan? Baka nga.
Pero iba na kasabihan ngayon: ang pinakikinabangan ay mabibiyayaan at makikinabang. Gawin nating sampol ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Kapag TUPAD ang pinag-uusapan ay maraming kuwentong ‘di kanais-nais. Kesyo, ‘yung malapit sa naglilista o sa opisyal ang nakakasama gayung hindi kwalipikado.
Diyan sa Quezon City ay may isyu rin ang TUPAD.
Eto, ayon sa ilang benepisyaryo, binibiyak-biyak daw ng magkapatid na QC District 5 Congressman PM Vargas at Councilor Alfred Vargas ang pondo ng TUPAD sa kanilang distrito.
Walang masama dahil mas marami ang mabibigyan. Kaso, supporters lamang daw ng mga Vargas ang nabibigyan ng programa na dapat ay para sa lahat ng disadvantaged workers ng distrito singko.
‘Yan ang masaklap. Parang bata-bata ang nangyayari. Dati pang may ganitong mga reklamo. ‘Di ba, noong 2022, inireklamo ng isang watchdog na Bantay Kaban—Citizens Forum Against Corruption and Poverty sa Presidential Complaint Center ang magkapatid na politiko na umano’y nasa likod ng ‘scam’ sa (TUPAD) program ng gobyerno?
Nakarating sa Bantay Kaban ang anomalyang ito dahil sa sumbong ng isang benepisyaryo ng TUPAD na sinibak sa listahan dahil hindi nila supporter.
Isiniwalat din ng watchdog na binibiyak pa ang bawat TUPAD payout upang mas maraming tagasuporta ang makuha ng mga Vargas.
Sabagay, kahit noong hindi panahon ng eleksyon ay may narinig din tayong parehong kuwento ng biyakan ng isang payout para mapagbigyan ang iba. Isa ang nakalista pero may kahati sa grasya.
Naku, hati rin naman pala sa mga araw ng trabaho. Ang TUPAD Program ay nagbibigay ng ayuda para sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay, underemployed at vulnerable workers.
Teka, bukod sa TUPAD ‘di ba nasangkot din ang magkapatid sa repacking ng family food packs na galing sa DSWD? Gusto ng mga tao na maliwanagan. Nasa mga Vargas ang pagkakataon para linawin ang mga isyung ikinakabit sa kanila.
o0o
Paulit-ulit ang pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang referral na kailangan mula sa mga politiko para makakuha ng ayuda sa pamahalaan.
Sa kabila nito, hindi pa rin maiwasan o sadyang ayaw papigil ng mga epal sa tuwing may bigayan ng ayuda. Ang masaklap kasi nagmumukhang utang na loob sa kanila ng mga benepisyaryo ang ayuda.
Hindi obligasyon ng congressmen at senators na mamahagi ng TUPAD, AICS at iba pang uri ng ayuda ng pamahalaan dahil ito ay ilegal at bawal.
Sana hindi puro press release lang ang DSWD. Mas mainam kung may parusa laban sa mga epal para mahinto ang panggagamit nila sa ayuda para mambola ng mga botante.
