PAGGAMIT SA SOCIAL MEDIA PARA SA MABUTING PAGBABAGO

 THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

HINDI naman na bago na madaling kumalat ang mga istorya sa social media, at madalas, mga negatibo o hindi magagandang pangyayari ang nagte-trending. Parang dumarami pa nga ito.

Nariyan ang hindi matapos-tapos na mga insidente ng karahasan sa mga hayop na talaga namang pumupukaw sa atensyon at emosyon ng mga tao. Tapos nagkaroon pa ng sunod-sunod na road rage incidents, na itong isa nga kamakailan umabot sa pagpapaputok ng baril na kalaunan, nagdulot ng pagkamatay ng isa sa mga tinamaan.

Mayroon ding mga usaping may kinalaman sa kalamidad – mga sunog, sitwasyon ng bulkang nag-aalburoto, o kaya naman itong nagdaang lindol na matindi ang pinsalang naidulot sa mga karatig-bansang Myanmar at Thailand.

Hindi pa kasama riyan ang mga usaping politikal, at ang mga nangyayari sa ibang bansa na makakaapekto rin sa atin dito sa Pilipinas. Pero paano ba natin ginagamit ang mga impormasyong nakukuha natin mula sa social media?

Kung tutuusin, marami sa atin ang nagkaroon ng access sa mahahalagang mga pangyayari sa ating paligid, at nagbibigay ang pagkakaroon ng exposure sa mga ito ng kamalayan at kaalaman na maaari nating magamit o mapakinabangan.

Sa bawat pag-scroll natin sa social media at pagbabasa ng mga post na nakagagalit, nakagugulat at nakagigimbal, hindi natin maiiwasang maging negatibo at maisip na wala na talagang pag-asa ang mundo dahil nga maraming hindi magandang nangyayari.

Hindi natin kontrolado ang paglabas ng masasamang balita, pero may kapangyarihan tayong piliin kung paano tayo tutugon. Ang masaklap na mga kwento sa social media ay hindi lang dapat panandaliang paksa ng tsismisan o pagresponde sa pamamagitan ng “like” at “share.”

Bagama’t ‘di maiiwasan ang pagkadismaya, maaari naman nating gawing daan ang mga balitang ito para mas matuto, mamulat, o kaya naman mag-isip kung ano bang pagkilos ang maaari nating gawin para makatulong kahit papaano at mapabuti o masolusyunan ang mga problema ng ating lipunan.

Maaari nating magamit ang social media para sa pagbabago sa pamamagitan ng pagiging mapanuri. Huwag basta-basta mag-share nang dahil lang sa trending — tiyakin muna natin kung totoo ang impormasyon. Naaalala ninyo ba na minsan nang kumalat ang maling impormasyon tungkol sa bakuna na nagdulot ng takot sa marami pero nang lumabas ang mga post ng mga frontliners at eksperto, unti-unting tumaas ang kumpiyansa ng mga tao sa pagpapabakuna?

Kailangan ding magsalita nang may layunin. Gamitin natin ang mga social media platform para ikwento ang mga totoong karanasan. Walang masamang magpahayag ng opinion o saloobin, basta ang mahalaga, gawin ito nang may respeto at batay sa katotohanan.

Marami ring mga adbokasiyang umiikot sa social media na maaari nating suportahan. May mga organisasyong nagpo-post ng kanilang mga gawain at pangangailangan. Hindi man tayo makaambag ng malaki, maaaring magdulot ng malawakang pagkilos ang simpleng pag-share ng kanilang mga post. Isa nga rito ‘yung panawagan kamakailan ng Philippine Animal Welfare Society na kumilos para wakasan ang karahasan sa mga hayop. Nagbigay rin sila ng mga partikular na hakbang kung paano maire-report ang mga ganitong insidente.

Maaaring magdulot ng inspirasyon ang mga nakukuha nating impormasyon online, pero importante pa rin ang pagkilos offline. Kapag namulat sa isyu, humanap ng paraan para tumulong kahit sa simpleng paraan—mag-donate, mag-volunteer, mag-educate o magsimula ng sariling inisyatiba.

Hindi natin maiiwasan ang masamang balita, pero maaari itong maging babala, paalala o panawagan sa atin. Maaari nating magamit ang social media para kahit papaano ay magkaroon ng magandang pagbabago – online man, o offline.

169

Related posts

Leave a Comment