MAGKAPATID NA VARGAS PASIMUNO NG FAKE NEWS Laban kay Rose Nono-Lin

UMALMA ang kampo ni Quezon City District 5 congressional candidate Rose Nono-Lin laban sa panggigipit umano ng katunggali nito sa puwesto na si Councilor PM Vargas, kapatid ng incumbent District 5 congressman na si Alfred Vargas dahil sa paninirang-puri kaugnay ng patung-patong na kaso ng vote-buying na isinampa laban sa kanya.

Ipinrisinta ng abogado ni Lin na si Atty. Manuel Jeffrey David ang mga screenshot ng text messages at chat sa Facebook Messenger sa pagitan ng isang alyas Sabel o Sybhel, na iniuugnay ang kanyang sarili bilang empleyado ni Cong. Vargas at ng isang bayarang undercover staff o tinatawag nilang “espiya” habang pinagpaplanuhan kung paano kukuha ng mga litrato o video para palabasing may vote-buying sa mga programang isinasagawa ng kampo ni Lin.

Noong nakaraang linggo, ang “espiya” na kinilala bilang ang taong kausap ni alyas Sybhel sa text at chat ay dumulog nang kusa at detalyadong isiniwalat sa mga abogado ni Lin kung paano siya nasangkot sa plano. Kusang loob na inihain ni Aiza Mojica Cabazares, isang residente ng QC District 5, ang kanyang sinumpaang salaysay na naglalaman ng lahat ng mga detalye sa kasong ito sa harap ng isang legal counsel. Ibinunyag nito kung paano niya nakilala si alyas Sybhel sa pamamagitan ng isang Kagawad Tony ng Brgy. Gulod at kung paano ito nauugnay sa mga Vargas bilang isa sa kanilang pinagkakatiwalaang tauhan. Ipinaliwanag din niya kung ano ang kinalaman niya sa sabwatang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng screenshots ng kanilang mga usapan.

Diin ni Cabazares, bagama’t alam niyang walang anomang uri ng vote-buying activity sa kampo ni Lin, kinausap umano siya ni alyas Sybhel na magtrabaho bilang isang “espiya” kapalit ng pagbabayad sa medical expenses ng kanyang buntis na anak at pagpiyansa sa kapatid niyang nakakulong.

Sa gitna ng pagdududa ni Cabazares, sinabihan siya ni alyas Sybhel na patuloy lang itanggi at huwag kumpirmahin ang anomang ugnayan nila sa mga Vargas. Sa mga sumunod na text message ay kitang-kita rin kung paano sinubukan ni alyas Sybhel na manipulahin sila sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng pera sa pamamagitan ng mobile wallet app na GCash.

“Ang sabi niya ay dadagdagan niya ako ng suweldo na utos din ni PM Vargas puwera sa allowance ko bilang angel niya basta pumasok ako sa kampo nila Ate Rose. Siyam (9) daw kami na ‘espiya’ sa loob na ang pakay ay siraan si Ate Rose at gawan ng kuwento para ito ay matalo,” ani Cabazares, at idinagdag na pagkatapos nito ay tinanggap niya ang isang bagong cellphone para kumuha ng mga litrato o video na magdadawit kay Ate Rose Lin sa anomang uri ng vote-buying activity.

Gayunpaman, ang tanging mga larawang nakuha ni Cabazares ay mula pa sa mga scholarship awarding ni Ms. Lin noong March 23, 2022 na ginagawa na ng huli bago pa man tumakbo para sa pagka-kongresista. Matapos ito ay nakatanggap na raw si Cabazares ng sunud-sunod na payout na nagkakahalaga ng mula P500 hanggang P3,000—apat na beses simula noong Marso hanggang ika-7 ng Abril—para sa mga larawang ipinadala niya kay alyas Sybhel.

Sa mga sumunod na talata, isinalaysay ni Cabazares kung paanong hindi siya makapaniwala na ang mga larawang kuha niya ay napunta sa news reports na dahilan para magtalo sila ni alyas Sybhel.

Tinapos ni Cabazares ang kanyang sworn statement sa mga katagang natatakot na siya para sa kanyang kaligtasan dahil alam niya ang kapasidad ng mga Vargas. Dagdag pa nito, “Malinis sila Ate Rose sa pagkampanya at masasabi ko nang totoo na sila PM Vargas pa ang hindi patas lumaban.”

Ayon kay Atty. David, “Kinukondena namin ang malisyosong pag-atake ng kampo ni Konsehal PM Vargas, partikular na ang patuloy na pagsasampa ng vote-buying charges laban sa aming kliyente… na hindi lamang sumisira sa kanyang reputasyon kundi nagdulot na rin ng matinding epekto sa kanyang pisikal at mental na kalusugan.”

Dagdag niya, mula pa noong nakaraang taon ay nakatatanggap na ang kanilang campaign team ng mga report tungkol sa ilang tauhan ng mga Vargas na sumusubok pumasok sa kanilang kampo para magpanggap bilang volunteer supporters. Dahil dito ay naging mas madali para sa kabilang kampo na kumuha ng impormasyon sa mga galaw ni Lin at bumuo ng plano para palabasing may nagaganap na tahasang pamimili ng boto sa tuwing sila ay may mga aktibidad at programa.

Kamakailan lang ay nabisto ng kampo ni Lin na may siyam na tauhan silang nagtatrabaho rin pala bilang mga espiya ni PM Vargas na pinamumunuan ni alyas Sybhel.

Giit ni Atty. David, habang pilit nilang hinahadlangan ang mga atake at maruruming taktikang ito gaya ng paggamit sa mga grupo para magsampa ng kaso laban kay Lin at pagpapatakbo sa isang kandidatong may katulad na pangalan para sa parehong pwesto, patindi rin nang patindi ang paninirang ginagawa ng kampo ni PM Vargas kay Lin.

“Habang patuloy ang malinaw na pangunguna ng aming kliyente sa iba’t ibang mga survey, mas pinipili ng kampo ni Vargas na lumaro ng marumi at hindi patas,” ayon sa abogado ni Lin.
Dagdag pa nito, nakapagpasya na si Lin na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga Vargas at sa mga taong sangkot sa naturang black propaganda.

“Masusing pinag-aaralan ng aming legal team ang mga kasong maaaring isampa laban sa kampo ni PM Vargas, partikular na sa mga taong may kinalaman sa paninirang-puri sa aming kliyente sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news sa iba’t ibang online platforms,” ayon pa sa abogado ni Lin. Plano rin umano nilang makiisa kay Cabazares, na buong tapang na isiniwalat ang maruming gawain ng mga Vargas, para matulungan itong magsampa ng mga nararapat na kaso.

Patuloy lang din aiya si Lin sa kanyang laban “nang may malinis na konsensya at tuwid na pagtingin sa layuning makapaglingkod sa mamamayan ng District 5.”

308

Related posts

Leave a Comment