MAGO SUMIBAT NA SA KAMARA

WALA na sa kostudiya ng Kamara ang Pharmally Pharmaceutical Corporation executive na si Krizel Grace Mago.

Sa virtual press conference kahapon sa Kamara, sinabi ni House committee on good government and public accountability chairman Michael Aglipay na umalis na si Mago sa Batasan Pambansa noong Lunes, November 15.

“Nagsulat siya ng letter sa Speaker last week na gusto na niyang umalis so we allow her. She left two days ago,” pahayag ni Aglipay nang kumustahin ng mga mamamahayag si Mago.

Nitong nakalipas na October 1 ay boluntaryong nagpakustodiya sa Kamara si Mago, ilang araw matapos maging “incommunicado”.

Biglang nawala at hindi nakontak ng Senate Blue Ribbon committee si Mago nang aminin nito sa pagdinig ng nasabing komite na pinalitan nila ang expiration date ng mga face shield na kanilang ibinenta sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Utos aniya iyon ng boss na si Mohit Dargani na nasa kustodiya naman ngayon ng Senado kasama ang kapatid na si Twinkle matapos maharang sa Davao City International Airport noong Linggo ng hapon, bago sila makalipad patungong Malaysia.

Matapos ang ilang araw na pagkawala noon ay biglang sumulpot si Mago sa Kamara na natatakot umano dahil hinahanap siya ng mga pulis at ng National Bureau of Investigation (NBI).

Unang sinabi ni Aglipay na maaaring manatili si Mago sa Kamara hanggang December 4, subalit napaaga ang pag-alis nito sa hindi pa batid na dahilan.

Samantala, sinabi ni Aglipay na halos patapos na ang committee report sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagbili ng PS-DBM ng mga face shield, face mask at personal protective equipments (PPEs). (BERNARD TAGUINOD)

188

Related posts

Leave a Comment