MAGPINSAN PATAY SA PAMAMARIL SA QUEZON

patay

QUEZON – Patay ang isang 14-anyos na estudyante at pinsan nito matapos na pagbabarilin ng kanilang kaalitan sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Jimber Perez, Grade 8 student, at Alexander Perez, 18-anyos, parehong residente ng Brgy. Masin Sur.

Batay sa report ng Candelaria Police, nangyari ang pamamaril sa vulcanizing shop na pinagtatrabahuan ng biktimang si Alexander sa Cabuñag Street, Brgy. Poblacion dakong alas-08:20 ng gabi.

Dumating umano ang suspek na si John Peter De Villa, 23, taga Brgy. Pahinga Sur, na armado ng maiksing baril at unang pinagbabaril ang biktimang si Jimber na tinamaan ng bala sa dibdib at pisngi.

Tinangka pang tumakbo ng biktimang si Alexander subalit hinabol ito ng suspek at saka binaril sa likod.

Mabilis na tumakas ang suspek at sumakay sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng kasapakat nito na kinilalang si Romnick Regalado Pasahol, 31, taga Brgy. Malabanban Norte.

Isinugod ang dalawa sa ospital subalit parehong idineklarang dead on arrival ng doktor.

Ayon kay Candelaria Police chief, P/Lt. Col. Dennis De Leon, alitan sa pagitan ng grupo ng biktimang si Jimber at ng suspek ang lumalabas na motibo sa krimen.

Nagsasagawa ng manhunt operation ang Candelaria Police para sa pagdakip sa suspek at kasama nito. (NILOU DEL CARMEN)

217

Related posts

Leave a Comment