MAGPIPISTA ANG IMPORTERS SA 2024

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAGPIPISTA ang importers at maging ang smugglers sa susunod na taon kapag hindi nagbago ang panahon at makaranas ng matinding tagtuyot ang ating bansa dahil sa El Niño phenomenon.

Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang 2024 ang pinakamainit na taon sa Pilipinas kaya asahan na maapektuhan ang sektor ng agrikultura.

Asahan na kokonti ang produksyon sa pagkain dahil palpak ang National Irrigation Administration (NIA). Kung sa panahon ng tag-ulan ay walang tubig ang karamihan sa mga irrigation, lalong walang dadaloy na tubig sa mga iyan kapag nanalasa na ang El Niño.

Kaya ang solusyon, dagdagan pa ang inaangkat na pagkain mula sa ibang bansa, hindi lamang sa bigas kundi sa lahat ng agricultural products, kaya ang makikinabang sa panahon ng tagtuyot ay ang importers.

Siyempre, sasamantalahin ‘yan ng smugglers lalo na’t wala namang nakukulong na big time smugglers sa ating bansa na karaniwan ay maiiksi ang apelyido. Ilang gobyerno na ang nagdaan, ilang dekada na ang lumipas, may nakulong bang smugglers?

Siguro ngayon pa lamang ay tuwang-tuwa na ang importers at smugglers dahil nakakaamoy na sila ng limpak na limpak na salapi at ang magdurusa naman ay siyempre tayong consumers.

Ibebenta nila nang mahal sa middlemen ang mga inangkat at ini-smuggle nila na sobra sa pangangailangan ng mga bansang pinagkunan nila ng mga produktong agrikultural, tulad ng China.

Sasabayan naman iyan siyempre ng middlemen at ipapasa naman sa retailers sa mas mahal na presyo na ang karaniwang dahilan ay kulang ang supply, mahal ang gastos nila sa kanilang operasyon.

Ayaw namang magpalugi ang retailers kaya tataasan din nila ang presyo kaya ang huling biktima ay ang consumers dahil inutil naman ang gobyerno at walang sumusunod sa kanilang suggested retail price o SRP.

Sino naman ang susunod sa SRP eh wala namang parusa ‘yan at ang laging inoobliga na sumunod sa SRP ay ang retailers.

Kung talagang gusto ng gobyerno na protektahan ang consumers, kailangang simulang ipatupad ang SRP sa importers at middlemen pa lamang at lagyan ng pangil ang SRP na ‘yan para may sumunod.

Sa katapusan na ng buwang ito mararamdaman daw ang El Niño pero wala pa tayong naririnig na aksyon ang gobyerno para maibsan ang epekto ng tagtuyot kaya parang sinasabi nila na “Bahala na si Batman”.

Resilient naman ang mga Pinoy. Kaya naman nilang mag-adjust ng sarili nila kaya bahala na tayo sa ating sarili dahil kung aasa tayo ng tulong sa gobyerno, baka tapos na ang El Niño ay hindi pa nakararating ang tulong. Lord, Kayo na po ang bahala.

169

Related posts

Leave a Comment