MAGPOPROTESTA SA UP, AARESTUHIN

BINALAAN ng pulisya na aarestuhin ang mga magpoprotesta bukas sa labas ng UP Campus sa Quezon City.

Ito ay matapos ihayag ng mga militante na tuloy ang malaking kilos protesta na gagawin nila kasabay ng penultimate State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong araw kahit pa ipinagbabawal ang pagtitipon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Kinumpirma ni Renato Reyes Jr., secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang ilulunsad nilang SONAgKAISA na gaganapin sa UP Diliman, alas-10:00 ng umaga.

Nanindigan naman ang pamunuan ng Philippine National Police na mahigpit na ipagbabawal ang kilos protesta lalo sa malapit sa Batasan Complex kung saan inaasahang ihahatid ni Pangulong Duterte ang kanyang ikalimang SONA.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, mahigpit na ipatutupad ng mga pulis ang “no permit, no rally policy.”

Agad namang nilinaw ng grupong Bayan na susunod sila sa minimum health requirement at paiiralin ang physical distancing habang idinaraos ang SONAgKAISA sa UP campus.

Samantala, inihayag ni NCRPO Chief MGen. Debold Sinas na hindi makikialam ang PNP-NCRPO sa mga raliyesta na magsasagawa ng kilos protesta sa loob ng UP campus.

Nilinaw ni Sinas, sa sandaling lumabas ng UP Campus ay doon sila aarestuhin ng mga pulis.

Mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng rally sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City na babantayan ng mahigit 5,600 police personnel kasama na ang 59 tauhan ng PNP-Highway Patrol Group.

Muli namang umapela ang PNP sa mga raliyesta na gawing virtual na lamang ang kanilang kilos protesta para makaiwas sa COVID-19.

Una nang ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government sa local government units na huwag mag-isyu ng permit sa mga magpoprotesta alinsunod sa pinaiiral na health protocol kontra COVID-19 pandemic.

“Hindi maaaring gamitin ang IATF (Inter-Agency Task Force) guidelines para balewalain ang ating constitutional rights. Kakasuhan namin ang mga pulis na makikialam o manggugulo sa mga mapayapang pagtitipon bukas,” banta naman ni Reyes.

“Mas maayos pa ang physical distancing ng mga nasa rally kesa sa ginagawa ng gobyerno sa mga kawawa nating kababayan sa Rizal Coliseum,” dagdag pa nito. (JESSE KABEL)

137

Related posts

Leave a Comment