PINANGANGAPA ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga magsasaka dahil kahit ramdam na ang El Niño phenomenon ay wala pa ring inilalatag na ‘plan of action’ ang ahensya para maibsan ang epekto ng kakulangan sa tubig sa mga bukirin sa bansa.
Ito ang nabatid mula kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman Danilo Ramos, kaya kinalampag nito ang liderato ng NIA na pinamumunuan ni Administrator Eduardo Eddie G. Guillen, dating mayor ng Piddig, Ilocos Norte, at kababayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“We want to know NIA’s concrete plans on how to help farmers cope with El Niño and how to ensure the availability of rice and food crops despite extreme weather events,” pahayag ni Ramos.
Sinabi ng lider ng mga magsasaka na matagal nang nagbabala ang gobyerno ukol sa El Niño phenomenon kaya pinaghahanda na ang lahat dahil inaasahan na lalong iinit ang panahon na posibleng magtagal ng 9 na buwan hanggang isang taon.
Malaki aniya ang posibilidad na maaapektuhan ang produksyon ng palay lalo na’t maraming magsasaka ang umaasa lamang sa ulan para matubigan ang kanilang pananim subalit wala pang action plan ang NIA ngayong pababa na ang level ng tubig sa mga dam.
Nagbawas na ang National Water Resources Board ng supply sa residential at irrigation users makaraang bumaba na sa 172.83 meters ang water level sa Angat Dam na malayo na sa normal level na 210 meters.
Ang Magat Dam na nagsu-supply ng tubig sa 85,000 ektaryang taniman, ay bumagsak na sa 165.34 meters ang level ng tubig mula sa normal level na 193.25 meters.
Ang tanging narinig umano sa NIA ay nang sabihin nito na buong bansa ang maaapektuhan ng El Niño phenomenon kung saan ang Camarines Norte at Southern Leyte ay makararanas ng matinding tagtuyot subalit hindi na naringgan ang mga ito kung ano ang inilatag nilang solusyon.
Dahil dito, nais ng mga magsasaka na makipagdayalogo sa Department of Agriculture (DA) at NIA sa lalong madaling panahon para magkaroon ng ideya ang mga ito kung papaano maiibsan ang epekto ng El Niño lalo na sa produksyon ng pagkain. (BERNARD TAGUINOD)
346
