MAGULONG OAV SA HK PINAIIMBESTIGAHAN

NAGHAIN ng resolusyon sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga militanteng mambabatas para paimbestigahan ang magulo at hindi organisadong overseas absentee voting (OAV) sa Hong Kong.

Sa House Bill (HB) 2554 na inakda ng nasabing grupo ng mga mambabatas, hiniling sa committee on suffrage and electoral reforms na magsagawa ng public hearing kaugnay ng mga report sa absentee voting sa nasabing rehiyon.

Sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) na pabotohin ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo noong Abril 10, 2022.

“In Hong Kong, for instance, complaints were raised early as thousands of voters were not accommodated on the first day of overseas voting. Other concerns raised are the lack of vote-counting machines (VCM) as only five (5) were provided by the Commission on Elections (COMELEC) to the consular office instead of the usual ten (10) in the previous elections,” ayon sa resolusyon.

Dahil dito, 3,285 overseas Filipino workers (OFWs) lamang ang nakaboto sa unang araw ng OAV sa Hongkong na halos kalahati ng kabuuang 6,000 na bilang ng mga bumoto noong 2019 elections.

Tinatayang 93,000 OFWs ang nakabase sa Hong Kong ngunit dahil sa kakulangan ng VCM ay posibleng hindi makaboto ang mayorya sa mga ito.

Maging sa Saudi Arabia ay nagkakaroon umano ng aberya sa OAV dahil walang indelible ink, may mga balota ang hindi nababasa ng VCM at inilalagay lamang sa carton box ang voting receipts.

Delayed din umano ang OAV sa Japan dahil hindi pa nakararating sa voting places ang mga balota habang sa Australia ay noong Abril 8 lamang ipinadala ang mailed ballots. Suspendido naman ang botohan sa Shanghai dahil sa pandemya.

Maging sa America ay hindi pa natatanggap ng OFWs ang kanilang balota gayundin sa France at Italy, New Zealand, Pakistan, maging sa Timor Leste. (BERNARD TAGUINOD)

129

Related posts

Leave a Comment