BUKOD sa pagmamahal ng ating Panginoong Diyos ay may hihigit pa ba sa pagmamahal ng isang Ina?
Ganyan ko maisasalarawan ang pagmamahal ng mga Nanay.
Marami sa ating mga Nanay na OFW ang nagtutungo sa ibang bansa at tinitiis ang kalungkutan at ang pagmamaltrato ng kanilang mga amo para lamang manatili sa pagtatrabaho para sa kanilang mga anak.
May ilan pa nga akong nakausap na mga OFW na matapos na maipakita ang larawan ng kanilang mga pasa at galos dahil sa pagmamaltrato ng amo ay makikiusap pa rin na tulungan silang maka-alis sa kanilang employer at makalipat para makapagpatuloy sa pagtatrabaho at maipagpatuloy ang pagpapadala ng pera sa mga anak.
Ang mga Nanay ang malimit na nagpapasimula ng mga pangarap ng kanilang mga anak.
Malimit sa mga kwentuhan ay lagi nilang ipinagmamalaki ang kanilang mga anak na magiging doktor, pulis, inhenyero at pari kapag ipinapakilala ang kanilang mga anak sa kanyang mga kaibigan.
Hindi nalalayo ang mga pinagdaanan na sakripisyo ng aking nanay Cely League Umandap sa sakripisyo ng ating mga OFW.
Bagaman, hindi naging OFW ang aking nanay, ay pinagdaanan nya ang labis na pagsasakripisyo mabuhay lamang kaming kanyang labing isang mga anak nya.
Mula sa kanyang bayan sa Santa Rosa, Laguna ay naglakbay sila ng aking ama lulan ng karitela patungo sa barrio Culi-culi na ngayon ay kilala sa tawag na Barangay Pio del Pilar, Makati City.
Dito ay kanilang sinimulan ang kanilang pamumuhay habang ang aking panganay na Kuya lading at ate Tere ay iniwan pansamantala sa pangangalaga ng kanyang ina na si Lelang Pinang Tatlonghari.
Sa barrio Culi-culi nagsimulang maghanapbuhay ang aking ina sa pamamagitan ng pagtitinda ng kakanin na malagkit at di kalaunan ay pananahi ng mga bistida na inilalako sa mga palengke.
Habang ang aking ama naman ay namamasahero sa kanyang sariling karitela.
Literal na masasabi na ang gabi ay ginagawang araw, dahil umaabot sa hating gabi ang kanyang pagluluto ng kakanin na irarasyon sa paaralan sa Pasay City at gayundin ang pananahi na irarasyon naman sa palengke.
Dahil sa maliit na kinikita ay hindi man lamang naranasan na makapag-isip ng kanyang luho sa katawan, bagkus, bawat sentimo na maiipon ay kanyang itinatago hanggang sa makapagpundar ng ari-arian sa Makati City.
Hindi naglaon, dahil sa pagsisikap, ay nakapag-impok ng sapat at nakapag-atikha ng mga paupahang mga bahay sa Santa Rosa City at Makati City.
Laging bukam-bibig ng aking nanay na ang lahat ng kanyang pagsisikap ay lahat para sa kanyang mga anak.
Matapos ng matagal na pag-tigil sa ospital, ay tuluyan ng nag-paalam ang aking nanay.
Sa bawat araw ng aking pagbabantay sa ospital ay halos oras-oras ay akin siyang niyayakap at sinasabihan ng I LOVE YOU Nanay at ginagantihan din niya ng sagot ng I Love You.
Kinakailangan ko na palaging magpakilala sa kanya at ipaalam ang aking pangalan dahil simula pa noong taon 2009 ay tuluyan na kaming nakalimutan dahil sa kanyang dementia.
Ngunit likas talaga sa isang ina, na kahit pa nakakalimot ito sa pangalan ay sa isang iglap na iyong halikan ay naluluha at nagpapasalamat sa pagmamahal na ipinaparamdam sa kanya.
Halos tatlong araw bago sya namatay ay hindi na niya naimumulat ang kanyang mga mata, ngunit sa oras na akin siyang binubulungan ng I love you Nanay, ay nagkakaroon ng luha ang kanyang mga mata.
Sa mga taong laging nagpapasalamat sa aking pagtulong sa kanila, sa mga taong humahanga sa aking bawat ginagawa ay panahon na para malaman ninyo na kung ano ako, ay yun ay dahil sa aking nanay na nagtanim sa aking kaisipan na ang pagmamahal at pagtulong sa kapwa, ay pagpapakita ng pagmamahal at pananalig sa kabaitan ng panginoon diyos.
