CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG totoo ang mga rebelasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co tungkol sa “insertion” sa bicam, para tayong nanood ng behind-the-scenes ng isang pelikulang matagal nang alam ng publiko pero ngayon lang may aktor na umamin sa kamera.
Hindi na simpleng isyu iyang kaguluhan sa pagbuo ng pambansang pondo lalo na kung totoong manipulado ito mula sa itaas.
Kung pagbabatayan ang ‘pasabog’ ni Co, lumalabas na ang bicam ay hindi na venue para ayusin ang matinong budget. Talamak na ang pagsisingit, pagpapalabas at takipan para may mga makinabang. Tandaan, ito ang national budget. Pera ng taumbayan na pinaghirapan at inihulog bilang buwis. Kaya dapat lahat tayo may pakialam.
Kung tama si Co, ang pondo ay mistulang party favors nilang mga nasa poder. Kung mali siya, ibig sabihin ginagamit niya ang isyu para iligtas ang sarili. Parehong nakabababa ng kalidad ng demokrasya. At parehong dapat imbestigahan nang patas at walang kinikilingan.
Ang mas mahalaga ngayon ay huwag hayaang matapos ito sa pasaringan at presscon. Dapat may audit, may public hearing, at may malinaw na papeles. Hindi puro sabi-sabi o may nag-utos. Kasi kung hindi, mauulit lang ito sa susunod na budget season, parang teleseryeng walang ending.
Makabubuti rin kay Zaldy Co na harapin ang mga akusasyon at ilabas ang kanyang mga ebidensya dahil hindi uubra rito ang puro ‘laway’ lang.
Kailangan may managot. Dahil kung ang bicam ay nauuwi na sa ‘budget insertion Olympics,’ tayong mga taxpayer ang talo.
o0o
Sa gitna ng mga nangyayari ngayon sa bansa, ramdam mo ang lungkot sa paligid. Dati-rati, pagsapit ng ‘ber months’ masigla na. Positibo at puno ng pag-asa ang tao. Hindi ata ngayon.
Ano nga ba hiling mo sa Pasko? Simpleng hiling lang ang nais ng iba na mapagbigyan. Maging masaya, payapa at maayos na buhay. Kumpleto ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Kahit wala na ang karangyaan basta ligtas sa sakit at mga sakuna.
Wish din ng taumbayan na mapanagot ang mga sangkot sa anomalya.
Baka sakali, kung sama-sama tayong hihiling ay mapagbigyan din ang ating inaasam. Isama na rin natin sa kahilingan ang kapayapaan at kapanatagan ng bansa. Nakatatakot isipin kung anong uri ng gobyerno ang iiwan natin sa mga darating na henerasyon. Responsibilidad nating lahat na ayusin ngayon ang gulong ito. Tapusin ang nakawan sa pera ng bayan at bigyan ng totoong hustisya ang bayan.
Buksan ang isipan at timbangin ang bawat panig. Tama na ang ‘bulag na pananampalataya’ at pag idolo sa mga politiko. ‘Yan ang nagdala sa atin sa sitwasyong ito.
Sabi nga ng isang netizen, “Kung ayaw n’yo ng korupsyon, tigilan n’yo ang pagboto nito!”
89
