MAHAPDING PAG-IHI? BAKA UTI NA IYAN

Ni Ann Esternon

 

Nahihirapang umihi? Mahapdi? Baka urinary tract infection (UTI) na iyan.

 

Ang urinary tract infection ay isang pangkaraniwang impeksyon na nangyayari sa urinary system: kidneys (bato), ureters (yuriter), bladder (pantog) at urethra (yuritra o daluyan ng ihi palabas ng katawan) at ang impeksyon ay kadalasang nagmumula sa balat o sa rectum. Pangkaraniwan at espesipikong nakikita ang impeksyon sa lower urinary tract – bladder at urethra.

 

Karaniwang nangyayari ang sakit na ito kapag ang bacteria ay pumasok na sa urinary tract sa pamamagitan ng urethra at nagsisimula nang dumami sa pantog. Ang function ng urinary system ay upang maiiwas tayo sa bacteria ngunit minsan ang system na ito ay pumapalya.

 

Kumpara sa mga lalaki, mga babae ang mas karaniwang tinatamaan nito dahil ang kanilang urethra ay mas maiksi at mas malapit sa rectum. Ang impeksyon na nasa bladder ay masakit at nakaiirita. Delikado ito kung ang impeksyon ay umabot na sa kidney.

 

Hindi lahat ng may UTI ay nakararanas ng pananakit o pagkahapdi sa tuwing iihi. Hindi lahat ay nagpapakita ng sintomas para sa ganitong kondisyon. Sa ganitong lagay din ay maiging magpakonsulta na agad sa doktor bago pa lumala ang kalagayan.

 

SENYALES NG UTI:

– Pakiramdam na ihing-ihi

– Mahapdi sa tuwing umiihi

– Kaunting ihi na parang may balisawsaw

– Pananakit ng puson

– Matapang na kulay ng ihi: mapula, sobrang dilaw na malabo, o kulay cola

– Mapanghing ihi

– Masakit na balakang (para sa mga babae) sa sentro nito o sa pubic bone

– Kapag matanda ang tinamaan ng UTI sila ay nahihilo, at seryosong senyales ito na ang impeksyon ay kumalat na sa buong katawan.

 

SA ESPESIPIKONG UTI ITO ANG MGA SINTOMAS NA NARARAMDAMAN:

– Bladder infection (cystitis) – pelvic pressure; mapanghing amoy ng ihi, masakit na pag-ihi, dugo sa ihi

– Uretha (urethritis) – hapdi sa pag-ihi, may discharge o paglabas ng fluid mula sa ari (kadalasang may amoy o kulay)

– Kidney (acute pyelonephritis) – pananakit ng ibabang bahagi ng likod o sa may balakang; lagnat; pangangatog o giniginaw; pagkahilo; pagsusuka o pagduduwal

 

BAKIT PABALIK-BALIK ANG UTI?

– Hindi naging sapat o tama ang gamutan para rito

– Mga babaeng aktibo sa pakikipagtalik, kaya mahalagang maging malinis sa katawan: Maghugas nang regular matapos ang pakikipagtalik

– Mga nakasonda o catheter

– Kahinaan ng resistensya lalo na sa may diabetes, HIV o human immunodeficiency virus, o cancer

– Pagkakaroon ng abnormal na daluyan ng ihi lalo na kung inborn ito

– Pagkakaroon ng bato sa bato (kidney)

– Paglaki ng prostate partikular sa mga kalalakihang may edad 60 dahil sa paglaki ng prostate ang daluyan ng ihi ay nababarahan

 

Paano makaiiwas sa UTI?

– Kumain nang maayos at piliin ang masusustansyang pagkain

– Magkaroon ng proper hygiene

– Regular na maghugas ng pribadong bahagi ng katawan matapos ang pagtatalik upang maiwasan agad ang impeksyon. Sa mga babae ang paghugas ay mula puwerta papunta sa likod

– Uminom nang regular at tamang dami

– Sa mga babae, piliin ang underwear na yari sa cotton

– Gumamit lamang ng panty liner o feminine pad na hindi matapang sa kemikal ang pagkakayari

 

Kapag nakaranas ng anumang senyales ay agad na magtungo sa doktor para sa tamang gamutan. Ang doktor ay magrereseta kung anong antibiotics ang nararapat sa iyo.

3071

Related posts

Leave a Comment