Mahigit 60 ghost projects nadiskubre ng militar DPWH HUMINGI NG TULONG SA AFP SA PAGTUNTON SA 16,000 FC PROJECTS

TAHIMIK na kumikilos ang Armed Forces of the Philippines para hanapin at tumulong na masuri ang mahigit 16,000 flood control projects ng Department of Public Works and Highways.

Ayon kay AFP chief of Staff, General Romeo Brawner, personal na humingi ng tulong sa Hukbong Sandatahan si DPWH Secretary Vince Dizon para tumulong sa paghahanap at pagsusuri sa 16,000 flood control projects sa pamamagitan ng mga pangalan ng mga proyekto at coordinates nito.

Nabatid na umaabot na sa 60 ghost flood control projects ang nadiskubre ng AFP mula sa 800 proyekto na kanilang natukoy at naipagbigay-alam na nila ang initial report sa DPWH.

Nangangamba si Gen. Brawner na malaki ang posibilidad na madagdagan pa ito sa mga susunod na araw dahil tuloy-tuloy ang ginagawang pagtunton ng kanyang mga tauhan sa mga proyekto base sa listahang ibinigay ng DPWH.

“Our task is to visit the coordinates where there [are] said to be flood control projects, and we will see if [they exist or nonexistent],” ani Brawner sa isang interview.

Magugunitang inihayag ni Dizon na sa loob ng 8,000 flood control projects, 421 rito ay non-existent o ghost projects subalit hindi malinaw kung kasama na sa datos ang bilang na ibinulgar ni Gen. Brawner.

Nabatid na hiningi ng DPWH ang tulong ng AFP dahil maraming puwersa ng militar ang nakakalat sa buong bansa at may karanasan na rin sila sa pagtukoy ng mga proyekto gaya ng ginawa nila sa Barangay Development Projects na nasa malalayong lugar.

Ang sinasabing hakbang ay bunsod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa talamak na katiwalian sa government flood control projects na ginastusan ng bilyon-bilyon subalit patuloy pa ring inilulubog ng tubig-baha ang malaking bahagi ng bansa.

Uminit ang usapin nang ibulgar ni President Marcos Jr., sa kanyang State of the Nation Address, na sa ilalim ng kanyang termino ay may 5,500 flood-control projects na ang natapos subalit duda naman ang mga kritiko ng administrasyon sa nasabing bilang dahil sa nararanasan na malawakang pagbaha.

Kaya ipinag-utos ng pangulo na magkaroon ng imbestigasyon sa umano’y 10,000 flood control projects na sinasabing natapos na nitong nakalipas na tatlong taon.

Ayon sa Pangulo, ang P100 bilyong pondo o 20 percent ng kabuuang P545-billion budget para sa flood mitigation projects sa ilalim ng kanyang panunungkulan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, ay nakopo lamang o na-corner ng 15 contractors lamang.

(JESSE RUIZ)

11

Related posts

Leave a Comment