MAHIGIT P1-M SHABU NAKUMPISKA SA LIVE-IN PARTNERS SA ILOILO

ILOILO CITY – Kalaboso ang dating barangay tanod kasama ang kanyang live-in partner, sa ikinasang drug buy-bust operation noong Miyerkoles ng gabi sa Zone 1, Sto. Niño Norte, Brgy. Arevalo sa lungsod.

Ayon sa ulat ni PCapt. Glenn Soliman, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU), nasa priority watchlist ang suspek na si alyas “Toting”, 40-anyos, na target ng nasabing operasyon.

Sinabi ni Soliman, dalawang linggo nilang mino-monitor ang suspek bago isinagawa ng drug buy-bust operation na nagresulta ng pagkaaresto nito, kasama ang live-in partner nito na si alyas “Anna”, kapwa naninirahan sa Sto. Niño Norte sa nabanggit na lugar.

Nakuha sa dalawang suspek ang hinihinalang shabu na may timbang na 160 gramo na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon.

Napag-alaman na dating barangay tanod ng San Juan, Molo ang suspek kung saan siya umano ang tulak ng droga sa lugar.

Nahuli na rin si “Toting” dahil sa droga bago lumipat sa Barangay Arevalo.

(TOTO NABAJA)

28

Related posts

Leave a Comment