PITONG durog-durog na katawan ng mga kasapi ng Daulah Islamiyah – Maute Group ang nakuha ng militar habang umabot sa 45 high powered firearms at 5 kilo ng shabu ang nasamsam matapos ang isinagawang air sortie ng Philippine Air Force at ground assault ng Philippine Army sa Maguing, Lanao del Sur.
Sa pagsisimula ng month long Philippine Army 125th anniversary na may Temang “Philippine Army @ 125: Kapayapaan Para Sa Lahat”, ay tiniyak ni Army commanding general, Lt. Gen. Romeo Brawner na hindi na mauulit pa ang madugong Marawi siege na kumitil ng mahigit sa 100 tauhan ng pamahalaan
Ayon kay Lt. Gen. Brawner, kasalukuyan pa nilang inaalam kung kabilang si Abu Zacariah, ang sinasabing new emir ng ISIS sa Southeast Asia, sa pitong Islamic State terrorist na napaslang sa isinagawang pag-atake sa kanilang kuta sa bayan ng Maguing.
Sa ibinigay na update nitong Huwebes ni Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., bukod sa 45 serve crew at high powered firearms ay nakarekober din ang kanilang mga tauhan ng 22 improvised explosive devices at ilang anti-personnel mines sa isinagawang pursuit operations kasunod ng close air support and combat operations na isinagawa sa Barangay Ilalag, Maguing. “Our troops averted and countered possible desperate attacks employed by the Daulah Islamiyah to inflict casualties not only to the armed forces but even the innocent civilians,” pahayag pa ng WestMinCom commander.
Sinasabing may narekober ding tinatayang limang kilo ng shabu ang kanilang operating troops.
Hinihinalang nagbabalak ang grupo ni Abu Zacariah na lumikha ng kaguluhan sa panahon ng paggunita ng Ramadan at sa nalalapit na national and local elections.
Kinilala naman ni Maj. Gen. Generoso Ponio, commander ng Joint Task Force ZamPeLan, ang namatay na sundalo na si Private Clint Rey Armada, na kasamang sumalakay ng 51st Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Payapaya, at 55th Infantry Battalion sa ilalim ni Lt. Col. Villanueva, at iba pang supporting units. (JESSE KABEL)
192
