Makokontrol ang mga mabibiktima ng COVID-19 kapag nagkaroon ng lockdown sa ilang lugar sa Metro Manila na siyang pinag-uusapan sa social media matapos magleak ang isang “conference notice” ukol sa “metro lockdown”.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, mababawasan ng kalahati ang mabibiktima ng COVID-19 kung magkakaroon ng lockdown sa Metro Manila kaya inilutang niya ang nasabing ideya.
Subalit kahit naka-lockdown ang Metro Manila, dapat pa rin aniyang magkaroon ng special session ang Kongreso upang pagtibayin ang mga panukalang batas na kailangan para maresolba ang coronavirus.
“Sa baseline estimates po namin, kung mag-lockdown next week, baka umabot lang tayo sa 23,800 infected persons by May 4, yung original na balik ng session. A huge number, for sure, but we will be better able to deal with it. Best case ng data analysis ko kapag wala tayong ginawa, posibleng umabot ito sa 50,300 cases by May 4,” ani Salceda.
“Yung infection po kasi, it gets transmitted exponentially, for a period of time, and then tapers off logarithmically. The earlier you shift from exponential to logarithmic increase, the fewer the cases will be at the end,” paliwanag ng mambabatas.
Inihalimbawa nito ang ginawang pag-lockdown ng China sa Hubei province kung saan sa loob lamang umano ng isang linggo ay nakontrol ang pagdami ng mga nahawa sa COVID-19.
“Lalaki po kasi ang chance ng mortality kapag na-overwhelm ang public health system natin. So, we need to contain the number. Hindi po ito sobrang nakakatakot na sakit. Again, more people get killed by lifestyle diseases every day,” dagdag ni Salceda. (BERNARD TAGUINOD)
