HUGAS-KAMAY ang paglalarawan ng isang militanteng kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y bantang kastigo sa mga local chief executives ng mga lalawigan, lungsod at munisipalidad na makupad ang pagbabakuna kontra COVID-19.
“President Rodrigo Duterte is apparently practicing health safety protocols in the dismal COVID-19 vaccination program. Why? Kasi naghuhugas kamay siya sa kanyang tungkuling tugunan ang suliranin ng pandemya,” pasaring ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kasunod ng pagbabanta ng Pangulo sa local chief executives sa labas ng Metro Manila kung saan umano mabagal ang pag-usad ng bakunahan sa kabila ng sapat ng suplay ng COVID-19 vaccines.
Ayon sa mambabatas, responsibilidad ng national government – partikular ng Pangulo – ang mabagal na pagbabakuna, bagay na ayaw balikatin ni Duterte na aniya’y mas piniling maghanap ng ibang pagbabalingan ng sisi.
“After putting incompetent people in charge of the COVID-19 response, like Sec. Francisco Duque III, former military and police officials, now turns to blaming LGU officials,” saad pa ni Gaite.
Aniya, lagpas na sa 100 milyong doses ng bakuna ang dumating sa bansa mula Marso, subalit nasa 28 milyon pa lamang umano ang fully vaccinated – malayo sa 50 milyon kataong dapat sana’y ganap nang protektado laban sa nakamamatay sa sakit.
Giit pa ng mambabatas, patunay ang mga nasabing datos ng kabiguan ng administrasyon sa pagtugon ng pandemya, sabay katig sa isinapublikong talaan ng Bloomberg kung saan kulelat ang Pilipinas sa 53 bansang sinuri batay sa mga impormasyong hinugot mismo sa mga pamahalaan ng mga bansang bahagi ng nasabing COVID-19 Resilience Rankings.
Paliwanag ng kongresista, maraming LGUs ang limitado ang natatanggap na suplay ng bakuna kaya naman imposible aniyang bumilis ang pagbabakuna ng mga ito sa kanilang mga nasasakupan.
“Duterte should own up to his failures. He should reverse the militaristic, unscientific, and corrupt approach to address this health problem”, dagdag na pahayag ni Gaite. (BERNARD TAGUINOD)
192 