KABILANG ang lungsod ng Malabon sa siyam na lugar na COVID-19 high-risk areas dahil sa mataas na kaso kada araw at attack rates, ayon sa lumabas na resulta ng pag-aaral kaugnay sa nasabing sakit.
Ayon sa ulat ng Octa Research Team na may petsang Nobyembre 2, kada araw ay 29 kaso ng COVID-19 ang naitala sa Malabon mula Oktubre 25 hanggang 31 at may 6.6 % attack rate o bagong kaso kada 1,000 populasyon.
Ayon naman sa Malabon City Health Department, siyam ang nadagdag na confirmed cases noong Nobyembre 4 at sa kabuuan ay 5,636 na ang positive cases, 81 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Longos (2), Potrero (1), San Agustin (1), Santulan (1), Tanong (3), at Tugatog (1).
Sa kabilang banda, 10 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Baritan (2), Catmon (1), Dampalit (1), Longos (2), Panghulo (1), San Agustin (1), at Tanong (2).
Sa kabuuan ay 5,342 ang recovered patients ng Malabon at 213 ang COVID death toll ng lungsod.
Bukod sa Malabon, itinuturing ding high-risk area, ayon sa pag-aaral ng OCTA, ang Makati, Baguio City, Itogon, Tuba, Benguet at Lucena City sa Luzon; Iloilo City at Catarman, Northern Samar sa Visayas; at Pagadian City sa Mindanao.
Binubuo ang Octa Research Group ng mga dalubhasa mula sa University of the Philippines, University of Santo Tomas at Providence College sa Estados Unidos. (ALAIN AJERO)
144
