UMAASA ang Malacañang na igagalang ng Iglesia ni Cristo (INC) ang naging desisyon ng Sandiganbayan na ipaaresto si Senador Rodante Marcoleta sa kinahaharap nitong non-bailable plunder case.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kilala ang liderato ng INC sa paggalang sa batas at sa mga desisyon ng korte.
“Alam po natin ang liderato ng INC ay gumagalang po kung ano ang sinasabi rin po ng korte, kung ano po ang sinasabi ng batas.”
Iginiit din ni Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging hakbang ng Sandiganbayan Third Division sa pagpapalabas ng arrest order laban kay Marcoleta.
“Kung iyan po ang isinasaad at sinasabi ng batas at iyan naman po ang kautusan ng korte, iyan naman po ay irerespeto ng Pangulo.”
Nauna nang inaresto si Marcoleta sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations.
Sakop din ng arrest order ang dating kongresista na si Mike Defensor at dalawang negosyante.
Ayon sa kampo ni Marcoleta, kusang sumuko ang senador bilang “act of good faith” dahil nasa loob na siya ng bisinidad ng Sandiganbayan nang ilabas ang arrest order.
Samantala, sinabi ni Associate Justice Karl Miranda na ibinasura ng korte ang mga mosyon ng mga akusado matapos makita ang probable cause sa kasong plunder.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang prosekusyon na magsumite sa loob ng tatlong araw ng komento sa mga mosyon nina Marcoleta, Defensor at Joseph Espiritu na humihiling na maibasura ang information laban sa kanila.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyong tumanggap si Marcoleta, noong siya ay kongresista pa, ng P75 milyong campaign donations mula kay Defensor at sa dalawang negosyante ngunit hindi umano ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring managot ang isang opisyal ng gobyerno kung mapatutunayang nakaipon ito ng hindi bababa sa P50 milyong ill-gotten wealth.
(CHRISTIAN DALE)
39 