CAYETANO: SENATE PRESIDENT ANG DAPAT MAMUNO SA IMPEACHMENT TRIAL, AYON SA KONSTITUSYON

IGINIIT ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na ang Senate President ang dapat mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, alinsunod umano sa 1987 Constitution.

Sa unang araw ng paglilitis, naghain si Cayetano ng point of order upang kwestyunin ang Senate Resolution No. 430 na nagbigay-daan sa pagpili ng ibang senador bilang presiding officer sa pamamagitan ng majority vote.

Ayon kay Cayetano, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na ang Senate President ang dapat mamuno sa lahat ng impeachment trial, maliban kung ang Pangulo ng Pilipinas ang nililitis.

“It is very clear in the Constitution of the Philippines that the Presiding Officer is the Senate President.”

Tinukoy rin niya ang mga deliberasyon ng 1986 Constitutional Commission, kung saan aniya ay malinaw ang intensyon ng mga bumalangkas ng Saligang Batas hinggil sa usaping ito.

Nagbabala rin si Cayetano na maaaring kuwestiyunin ang kredibilidad at legalidad ng buong impeachment proceedings kung ibang senador ang mamumuno sa korte.

“We need to protect the legitimacy of these proceedings.”

Aniya, kahit patas ang magiging pamumuno ng sinumang presiding officer, maaari pa ring magkaroon ng legal na hamon kung hindi nasunod ang itinatadhana ng Konstitusyon.

Iginiit din niya na hindi rin nasunod ang sariling tuntunin ng Senado sa pag-amyenda ng impeachment rules.

“We cannot now just change the rules. We’re here for the trial. Are we here to change the rules?”

Para kay Cayetano, mahalagang maresolba muna ang mga isyung ito upang maiwasan ang anumang pagkaantala o pagdududa sa magiging resulta ng impeachment trial.

“I want to avoid that this impeachment trial will be declared null and void. I want to avoid walkouts. I want to avoid any delays. The Senate President is more than capable of presiding over the trial.”

49

Related posts

Leave a Comment