PARA sa Malakanyang, walang bearing kay Pangulong Duterte kung may namamagitan mang conflicting opinion sa pagitan nina DFA Secretary Teddy Boy Locsin at DOH chief Francisco Duque III.
Ito’y sa gitna ng “dropped the ball” tweet ni Locsin na patama sa isang opisyal ng pamahalaan na naging dahilan para maunsiyami umano ang pagkakaruon na sana ng Pfizer covid vaccine ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mag-away na ang lahat kung gusto nila pero malinaw naman aniya ang posisyon ni Pangulong Duterte na iisa lang ang itinalaga niyang mangasiwa sa pag-angkat ng vaccine at ito ay si Secretary Carlito Galvez.
At kung mayroon man aniya na mananagot sa anomang kapalpakan para sa pagbili ng bakuna ay wala ring iba kundi si Galvez.
Magkagayon man, sinabi ni Sec. Roque na malaki ang kumpiyansa nila kay Galvez at malayong magmimintis ito sa kanyang responsibilidad bilang vaccine czar.
Kaugnay nito, hindi nanghihinayang ang Malakanyang sa naudlot na ten million doses umano ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer.
Ani Sec. Roque, sinabi na ni Vaccine czar Sec. Galvez na imposibleng mabigyan ang Pilipinas ng ten million COVID-19 vaccines sa January o sa 1st quarter ng 2021 dahil sa fully committed na ang Pfizer Sa ibang mayayamang bansa.
Sa katunayan, una nang nabili ng Estados Unidos, Britanya at maging ng Canada At Australya ang mga nalikhang bakuna ng Pfizer.
Ito ang dahilan kung bakit nasabi ni Sec. Galvez na imposible talaga na makapag-deliver ang malaking pharmaceutical company na ito ng bakuna sa buwan ng Enero ng susunod na taon.
Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ani Sec. Roque ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa Pfizer para makakuha rito ng bakuna sa 2nd o 3rd quarter ng susunod na taon.
Tikom naman ang bibig ni Sec. Roque kung ano ang eksaktong bilang ng doses ng bakuna na makukuha ng Pilipinas mula Pfizer, alinsunod sa non-disclosure agreement. (CHRISTIAN DALE)
