INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang pagkakapatay sa tatlong hinihinalang mga holdaper at karnaper makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU), sa pamumuno ni P/Maj. Sandie Caparroso, at Batasan Police Station (PS-6), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Romulus Gadaoni, nitong Biyernes ng umaga sa Quezon City.
Ayon sa report, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nitong Biyernes, binabagtas ng biktimang taxi driver ang Batasan Hills, Commonwealth, Quezon City nang dalawang hindi kilalang lalaki ang sumakay at nagpahatid sa Fairview General Hospital.
Ngunit napansin ng taxi driver na may isang itim na motorsiklo na bumubuntot sa kanila.
Pagsapit sa Brgy. Greater Fairview, naglabas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Tinutukan nila ng baril ang driver at kinuha sa biktima ang P3,700 cash, driver’s license, barangay ID, cellphone. Sapilitan din umanong inagaw ng mga suspek sa biktima ang kanyang taxi at mabilis na tumakas.
Agad namang ipinagbigay-alam ng biktima sa Traffic Sector 5 at sa Fairview Police Station (PS 5), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Melchor Rosales, ang nasabing insidente.
Mabilis na nagresponde ang mga awtoridad at natunton ang taxi ng biktima na isang puting Toyota Vios (UVH 765), sa Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Quezon City.
Hinarang ng mga operatiba ng DSOU ang nasabing sasakyan ngunit nakipagpalitan ng putok ang dalawang suspek na ikinamatay ng mga ito.
Samantala, ang suspek na nakasakay sa black motorcycle ay naharang naman dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa IBP Road, Batasan Hills ng mga operatiba ng PS-6 na naglatag ng checkpoint sa area.
Ngunit pumalag ang suspek at nakipagbarilan sa mga pulis na ikinamay rin nito. (JOEL O. AMONGO)
