WALANG opisyal na impormasyon ang Malakanyang ukol sa nababalitang Cabinet reshuffle sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro.
“Wala pa po tayong natatanggap na anumang balita. Baka may nagpapakalat pero as of now, wala po,” ani Castro.
Ayon sa kanya, nagpapatuloy pa rin ang performance evaluation sa lahat ng Cabinet officials. “Yes, at sabi nga natin, we are making our performance at the discretion of the President. Depende na po ‘yan kung ano po ang makikita ng Pangulo, pero as of now, wala po tayong nababalitaan,” dagdag niya.
Matatandaang noong Mayo, nanawagan si Pangulong Marcos para sa courtesy resignation ng lahat ng Cabinet secretaries upang i-“recalibrate” ang pamahalaan matapos ang midterm elections.
Sa inilabas na pahayag ng Pangulo, layunin nito na evaluahin ang performance ng bawat departamento at tukuyin kung sino ang magpapatuloy sa serbisyo ayon sa “recalibrated priorities” ng administrasyon.
“Hindi ito tungkol sa personalidad—ito ay tungkol sa performance, alignment, at urgency. Yung mga nakapagbigay at patuloy na nagbibigay ng resulta ay kikilalanin. Pero hindi natin kayang maging complacent. Tapusin na ang comfort zones,” sabi ni Marcos.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang hakbang na ito ay bahagi ng “clear transition” mula sa unang bahagi ng pamamahala patungo sa mas nakatuon sa resulta at performance.
Bagama’t pinahahalagahan ang dedikasyon ng mga kasalukuyang opisyal, kinakailangan umano ng bagong alignment upang mas mabilis na maipatupad ang mga programa ng pamahalaan.
Giit ng Malakanyang, patuloy ang serbisyo ng gobyerno habang ang pagbuo ng leadership team ay gagabayan ng katatagan, katuluyan, at meritokrasya.
(CHRISTIAN DALE)
24
