Malakanyang ‘selyado’ kasabay ng anti-corruption rally 16K PULIS, AFP HANDANG SUMAGUPA SAKALING MAGKAGULO

SAPAT ang security measures sa Palasyo ng Malacañang para maiwasan ang kaguluhang kahalintulad ng nangyari noong September 21 protest sa Mendiola.

“Tingin ko sapat na ‘yung preparasyon. Kung ano man ang isasarang gate diyan, enough na ‘yan to give protection at maiwasan ang gulo,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Paliwanag niya, hindi lang Malacañang ang pinoprotektahan kundi pati ang mga tao at establisimyento sa paligid.

“I think ready ang kapulisan natin sa ganyang klaseng mga aktibidad,” dagdag pa ni Castro.

Mahigit 16,000 pulis ang dineploy ng PNP para sa three-day anti-corruption protest mula Nobyembre 16 hanggang 18. Nakataas din ang full alert status sa NCRPO para sa public security.

AFP Patuloy Naka-alerto

Naka-alerto rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posibleng biglaang insidente sa serye ng anti-corruption rallies.

“Kailangan alerto pa rin tayo… maaaring may ibang agenda na pwedeng isingit,” ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Padilla.

Ang Iglesia Ni Cristo (INC) at iba pang grupo ay magsasagawa ng tatlong araw na rally sa Quirino Grandstand mula Nobyembre 16 hanggang 18, habang ang United People’s Initiative Fighting Corruption ay magsasagawa ng protesta sa EDSA People Power Monument.

Suportado ng ilang Duterte supporters ang “Martsa ng Kalayaan,” at magkakaroon din ng “Takbo Laban sa Kurakot” sa UP Diliman mula 6 a.m. hanggang 10 a.m.

Tiniyak ng AFP na naka-standby sila para tumulong sa PNP sa pagpapanatili ng kaayusan.

“Augmenting naman kami lagi… We support them in implementing peace and order,” ani Padilla.

Binabantayan din ng AFP ang ulat tungkol sa umano’y destabilization plot ng ilang dating military officials laban sa administrasyon.

“Ang AFP ay professional, disciplined, at non-partisan. Lagi naming inuuna ang Konstitusyon at ang taumbayan, hindi ang ingay ng pulitika,” ani Padilla.

(CHRISTIAN DALE)

46

Related posts

Leave a Comment