HINDI sapat ang ikalawang video ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co upang patunayan ang mga paratang nitong katiwalian laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, puno man ng dramatikong pahayag ang video, wala itong kalakip na dokumento o beripikadong ebidensya. Binanggit niya na ang alegasyon ni Co na personal itong naghatid ng maletang naglalaman umano ng pera sa Malacañang at sa Speaker ay hindi maaaring tanggapin nang walang matibay na patunay tulad ng visitor logs, CCTV records, o anumang opisyal na dokumento.
Kinuwestiyon din ni Goitia ang mga larawan ng mga maleta na ipinakita ni Co, dahil walang detalye kung saan at kailan kuha ang mga ito at kung ano ang tunay na laman. Dagdag pa niya, may mga magkakasalungat na pahayag si Co sa kanyang mga video, dahilan upang lalo pang humina ang kredibilidad ng mga akusasyon.
Nanawagan si Goitia na kung talagang may ebidensiya si Co, dapat itong iharap sa Pilipinas sa ilalim ng panunumpa at sa mga institusyong may kapangyarihang magsiyasat, sa halip na maglabas ng video mula sa ibang bansa.
Binigyang-diin pa ni Goitia ang pag-veto ni Pangulong Marcos sa ₱194 bilyong questionable items sa 2025 national budget, na aniya ay salungat sa paratang ni Co hinggil sa umano’y insertions.
Hanggang hindi nakapaghaharap ng opisyal na ebidensya si Co, iginiit ni Goitia na mananatiling mga akusasyon lamang ang kanyang inilalabas at hindi napatutunayang katotohanan.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
(JULIET PACOT)
88
