TIWALA ang Malakanyang na hindi na sisirit pa ang kaso ng COVID-19 habang ang bansa ay kumikilos para pagaanin ang restrictions sa public transportation.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, batid naman ng mga Filipino kung ano ang gagawin sa panahon ng pandemya.
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay tugon sa naging babala ng University of the Philippines (UP) OCTA Research Group hinggil sa pagpapagaan ng restrictions sa public transportation.
Nauna nang sinabi ng UP OCTA Research group na magbubunsod ito ng pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa susunod na dalawang linggo.
Ani Sec. Roque, hindi sinasang-ayunan ng Malakanyang ang UP OCTA Research Group, dahil alam na ng mamamayang Filipino na kailangan nilang sundin ang payo ni Pangulong Duterte na magsuot ng face mask , maghugas ng kamay at sanayin ang physical distancing upang sila’y makapunta sa trabaho.
“We disagree with the research group. Tingin ko po gagawin ng Pilipino ang lahat ng dapat gawin dahil importante sa kanila na makapaghanapbuhay na muli,” ayon kay Sec. Roque.
Aniya, ang mga respetadong doktor at mga dating kalihim ng Department of Health (DoH) gaya nina Esperanza Cabral at Manuel Dayrit ay nagpahayag na ang pagbabawas ng physical distancing measures sa loob ng public transportation ay posibleng hindi maging dahilan ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.
Kasabay nito, binanggit ng kalihim ang seven commandments na dapat pairalin sa public transportation:
1. Pagsusuot ng face masks
2. Pagsusuot ng face shields
3. Bawal mag-usap at kumain
4. May sapat na ventilation
5. Madalas at tamang disinfection
6. Bawal ang asymptomatic passengers
7. Pinapayagan ang pasahero ng one seat apart
Kasabay ng pagluluwag sa pampublikong sasakyan ang pagpayag ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa extension ng pilot study sa motorcycle taxis. (CHRISTIAN DALE)
161
