Malakas kasi ang dating sa masa BONGBONG KINUKUYOG

(FERNAN ANGELES)

ANG puno pinupukol lang kapag hitik sa bunga. Ito ang tugon ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos kasunod ng paghahain ng panibagong petisyong naglalayong ipa-kansela sa Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura para Presidente ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita ni Marcos, inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga basurang petisyon mula sa mga nagpapanggap na kinatawan ng iba’t ibang sektor – kabilang ang isang inihain umano ng mga pinaniniwalaang komunista.

“As anticipated, the saga of those pushing for gutter politics continues with another nuisance petition filed before the Comelec by some alleged communist frontliners,” saad ni Rodriguez.

Patutsada pa ni Rodriguez, tanging hangad lamang ng mga naghain ng petisyong una nang inilarawan ni Marcos bilang basura, ay patagalin ang pagdurusa ng mga Pilipinong lugmok dala ng pandemya.

“These are cheap political gimmicks from the same people who do not want the country to move ahead and get out of the pandemic. They refuse to elevate political discourse and instead resort to dirty campaigning, character assassination, and mudslinging,” dagdag pa niya.

Giit pa ng abogado, walang hurisdiksyon ang Comelec na rebisahin, baguhin o ibasura ang naging kapasyahan ng Court of Appeals (CA) noong 1997. Sa desisyon ng Special 3rd Division ng CA, walang sapat na ebidensyang magdidiin sa dating senador kaugnay ng kasong tax evasion.

Gayunpaman, ipinag-utos ng korte ang pagpapataw ng multa kay Marcos – bagay na agad namang tinugon ng dating senador.

Ayon pa kay Rodriguez, may mga dokumento silang patunay ng pinagbayarang multa ni Marcos katumbas ng mga taon na tinukoy sa petisyong inihain sa Comelec.

Hindi rin aniya dapat paniwalain ang publiko sa mga maling impormasyon kaugnay ng diskwalipikasyon, kasabay ng giit na tanging mga taong nahatulan ng parusang 18 buwang pagkakakulong pataas ang hindi kwalipikadong tumakbo sa halalan.

“Elections are fought and won on election day – through the ballots. And surveys or voters’ test polls are the gauge of the candidates’ standing and a guide to win the electorate,” sambit pa ni Rodriguez kasabay ng paglalarawan na nalalapit na halalan bilang isang hudyat na magtatakda ng kinabukasan ng bawat Pilipino at ng bansang Pilipinas.

435

Related posts

Leave a Comment