POSIBLENG mapalawig ang suspensyon ni Cavite 4th District Congressman Francisco “Kiko” Barzaga kapag nagsampa ng panibagong ethics complaint ang National Unity Party (NUP) laban sa kanya.
Si Barzaga ay unang pinatawan ng 60 days suspension noong December 2025 matapos katigan ng House committee on ethics and privileges ang isinampang reklamo ng NUP dahil sa kanyang mga hindi magandang asal sa loob ng Kamara at maging sa social media.
“Unless there’s a new ethics complaint again that would fall (under any violation). But definitely, yung ginawa niya after na-impose ‘yung una niyang suspension, will be taken into consideration should a 2nd ethics complaint be filed,” ani Tingog party-list Rep. Jude Acidre.
Subalit hindi lang suspensyon sa ikalawang pagkakataon ang nais ni NUP chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno kundi tuluyang tanggalin bilang Congressman si Barzaga dahil sa pambabastos umano nito kay dating Antipolo City Rep. Romeo Acop nang pumanaw ito noong nakaarang buwan.
“So I think it demeans the House to have somebody like him there so baka naman the House will consider expelling him na lang para wala nang ganyan na problema. I-expel na rin siya kasi parang talagang outright defiance of everything that is going on,” ani Puno noong Biyernes.
Sa kanyang social media post, nakiramay ito sa pagpanaw ni Acop subalit sinabi nito na “nawa’y magsilbi itong paalala na bagama’t maaari tayong magmukhang mayaman at makapangyarihan sa paningin ng tao, ang huling paghatol ay laging magmumula sa Panginoon. Layo tayo sa katiwalian at mamuhay ng may katapatan at integridad,” bahagi pa ng post.
Hindi ito nagustuhan ng NUP congressmen kaya hiling ng mga ito sa nasabing komite na isailalim sa komprehensibong “fitness determination” si Barzaga para malaman kung siya ay nararapat na magpatuloy sa kanyang tungkulin bilang mambabatas dahil sa inaasal nito.
Subalit ayon sa lider ng NUP na si Puno, maghahain ito ng panibagong reklamo upang patalsikin na bilang mambabatas si Barzaga pagbalik sa trabaho ng mga mambabatas sa Enero 26, 2026.
“Baka puwedeng i-expel na lang natin ‘yan kasi it doesn’t look as if there’s going to be any end to this problem unless he is removed. We have to make an example of somebody who just absolutely defies everything that Congress is all about and then creates confusion and it really tarnished the reputation of everybody there. Mahirap naman na pabayaan natin ‘yung ganyan,” ani Puno.
(BERNARD TAGUINOD)
60
